MAHILIG manermon si President Noynoy Aquino. Style niya, kapag inimbitahan para maging panaÂuhing pandangal at tagapagsalita, doon niya isisingit ang paninermon. At epektibo ang kanyang estilo. Lahat nang sinermunan niyang public official nag-alsa balutan.
Halimbawa, sinermunan niya ang administrator ng National Irrigation Administration na si Antonio Nangel dahil sa mabagal na pagtapos ng mga proyektong patubig. Itinaon ang sermon sa aniÂbersaryo ng NIA. Walang pangimi si Aquino nang harap-harapang sermunan si Nangel. Makalipas ang ilang araw, nag-resign si Nangel.
Sinermunan din niya si Immigration Commissioner Ricardo David dahil sa pagtakas ng Korean fugitives at mga suspect sa pagpatay kay Doc Gerry Ortega. Paano nakalabas ng bansa ang mga suspect. Nagbitiw si David sa puwesto.
Lahat nang mga nagbitiw ay agad tinanggap ng Presidente. Wala nang tanung-tanong pa. Para sa kanya, hindi kailangan sa Gabinete ang walang naitutulong sa pag-unlad ng bansa. Hindi rin kailangan ang mga taong ayaw tumino.
Pero nakapagtataka rin naman na mayroon siyang pinipigilan na mag-resign. Kahit nag-ooffer nang magbitiw, ayaw pa ring tanggapin ang resignation. Iyon ay sa kabila na walang naitutulong sa pag-unlad ng bansa.
Halimbawa rito ay si Customs Commisssioner Ruffy Biazon. Lantarang sinabi ni Aquino ang mga hindi magagandang nangyayari sa Customs. Lumalatay ang kanyang pananalita. At sinumang tao na may hiya ay hindi na hihintaying matapos ang pananalita ng Presidente at agad magbibitiw. Sabi ni Aquino sa kanyang SONA noong Lunes ukol sa Customs, “Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo. Tinataya nga po ng Department of Finance na mahigit 200 billion pesos ang kita na dumudulas lang at hindi napupunta sa kaban ng bayan. Saan po kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang mga kawani sa ahensyang ito?
Nagbibitiw na si Biazon pero hindi pinayagan. Sana, hindi na pinigilan. Pakawalan na ang nakikiÂpagtagisan sa kapalpakan. Hindi nararapat sa puwesto ang walang nagagawa.