ISANG State of the Nation Address (SONA) ang muling maririnig ng bansa mula kay President Noynoy Aquino bukas. Ito ang kanyang pang-apat na SONA. Tikom ang bibig ng Palasyo kung ano ang nilalaman ng kanyang SONA. Hintayin na lang daw sa Lunes. Pero kung babalikan ang nakaraang tatlong SONA, baka may mga gawin din siya na kanyang nakasanayan na rin habang Pangulo ng Pilipinas.
Sa mga nakaraang SONA, palagi siyang nagsisiwalat nang malaking anomalya na naungkat mula sa mga nakaraang administrasyon, partikular kay Gloria Arroyo. Ngayong taon, sa tingin ko hindi magbabago ang ganyang direksyon, lalo na’t mainit na pinag-uusapan ang nadiskubre na umano’y P10 bilyong panloloko ng isang kumpanya sa gobyerno, gamit ang “pork barrel†ng ilang mambabatas. May whistleblower muli, may ibang testigo, at may isang tila “malakas†na kalaban, kasama ang pagbanggit ng ilang mga mambabatas na pinanggalingan umano ng mga pondo. Sa tingin ko ay babanggitin din ang RH Law, na sa halip na kanyang nilagdaan na, patuloy pa rin ang agresibong pagharang nito ng mga kumokontra sa nasabing batas.
Nasa gitna ng kanyang termino na si Aquino, kaya gusto ko ring marinig sa kanya ang mga tagumpay ng kanyang administrasyon. Sa madaling salita, naituwid na ba nilang bahagya ang daan? Puwedeng banggitin ang malakas na ekonomiya at magandang grado ng Pilipinas na ibinigay ng ilang mga pinansiyal na institusyon. Ang pagmoderno ng AFP, partikular ang Philippine Navy sa pamamagitan ng pagbili ng dalawang barko mula Amerika at Philippine Air Force sa pamamagitan na pagÂbili ng mga eroplanong pandigmaan mula South Korea. Ang kasalukuyang usapan sa pagitan ng gobyerno at MILF para sa pangma-tagalang kapayapaan sa Mindanao. Nagkasundo na sa hatian ng pera, kaya sa hatian ng kapangyarihan naman.
May tatlong taon pa si Aquino, at maÂrami pang kailangang ayusin sa bansa. Isa na rito ay ang sumasamang imahe ng PNP. Sa kanyang administrasyon, tila sumama ang imahe ng PNP dahil sa mga kinasangkutan ng ilang pulis sa kuwestyonableng operasyon, tulad ng shootout sa Atimonan at pagpatay sa ilang miyembro ng Ozamis Gang. Mga paratang na may mga hindi idineklarang kagamitan at pera sa kanilang mga isinagawang operasyon, mga nawawalang sasakyan na hawak dapat nila, at marami pa. Estado ng bansa ang kanyang pakay, at mahalaga ang estado ng PNP kung mapagkakatiwalaan pa. Mabilis na lang ang tatlong taon, at baka may ilang mga pangako niya ang hindi matupad dahil sa bilis ng panahon. Maaaring matuwid nga ang daan, pero bitin naman, di ba?