May isang kawaksi ang ating Batasan
gumawa ng bill na pag-uusapan;
Sinabi sa bill itong kabataan –
bawal na iangkas sa isang sasakyan!
Ang sasakyang motorsiklo ay binanggit
na bawal iangkas mga batang paslit;
Edad otso anyos kundi pa nasapit
di dapat iangkas ng amang mabait!
Bakit naman kaya ito’y naisipan
ng isang kawaksi sa ating Batasan?
Sa dami ng taong motor ang sasakyan
tiyak na tututol sa bill na iyan!
At bakit nga hindi daming maralitang
ang tanging sasakyan motorsiklo lamang:
Pagbili ng kotse’y di makakayanan
kaya motorsiklo nabiling hulugan!
Libo’t milyun-milyon ang may motorsiklo
sa maraming bayan nating Pilipino;
Kung ngayo’y eleksyon tiyak matatalo
ang mga candidate na papanig dito!
Bawa’t motorsiklo’y lubhang kailangan
nang maraming batang ngayo’y nag-aaral;
Mga nasa grade school pawang kabataang
hatid at sundo pa ng mga magulang!
Maraming batas pa ang dapat isipin
ng mga kawaksi ng Batasan natin;
Ang ganitong bill na parusa mandin-
sa mga mahirap huwag pagtibayin!