AMINADO ang pamunuan ng Philippine National Police na kulang ang kanilang hanay para mam-BITAG ng mga kriminal sa bansa!
Pabor at magandang pagkakataon naman ito sa mga kriminal para ikasa ang kanilang aktibidades at manipulahin ang kahinaan ng ahensya. Laganap ang mga patayan, holdapan, nakawan at iba pang mga krimen sa lansangan. Ang siste, kulang ang puwersa ng mga awtoridad para protektahan ang publiko sa mga kriminal!
Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ng PNP ang planong pagpapalabas sa mga pulis na nakatengga lang sa kanilang mga tanggapan. Kasabay ng anunsyong ito ang pag-eempleyo ng mga sibilyan na papalit sa mga pulis na idi-deploy para magpatrulya sa kanilang mga hurisdiksyon at nasasakupan.
Tama ang panukalang ito ng pamunuan ng PNP. Pero, hindi ito magiging epektibo hanggat walang maa-yos na central communication system na nagmo-monitor sa bansa!
Tulad sa Amerika, ito ang kokonekta sa mga pulis na nagpapatrulya sa lansangan. Mula sa 117, ibabato ang sumbong sa mga radyo na nakakabit sa bawat nagrorondang patrol car.
Sinuman ang malapit sa pinangyayarihan ng krimen, agad itong marerespondehan at malaki ang posibilidad na ma-BITAG ang mga kriminal! Sa puntong ito, magdadalawang-isip muna ang mga kriminal bago ikasa ang kanilang aktibidades.
Huwag nga lang sanang babuyin at abusuhin ng mga pulis ang kanilang uniporme at tsapa, sakaling matuloy at maaprubahan ang panukalang ito ng PNP.