HIWA-HIWALAY ang mga isla sa bansa. Malawak na karagatan ang pagitan ng mga isla. Kaya naman buhay na buhay ang shipping industry sa bansa. Barko ang ginagamit na transportasyon para makatawid-dagat. Mas mura ang pamasahe kaysa eroplano. Pero ang tanong ay ligtas bang sumakay sa mga barko o parang ipinain ang sarili sa kamatayan.
Marami nang nangyaring trahedya sa barko na libong buhay ang nasayang. Mababanggit ang Doña Paz tragedy noong Disyembre 1987 kung saan mahigit 4,000 pasahero ang namatay. Nasunog ang barko nang makabanggaan ang M/T Vector sa may isla ng Mindoro.
Nasundan pa nang maraming paglubog ng mga barko ang trahedyang iyon na ikinamatay pa nang maraming pasahero. Gaya nang nangyari sa M/V Princess of the Stars nooong Hunyo 21, 2008. NagÂlayag pa rin ang barko kahit may babala na bagyo. Nasa 800 pasahero ang namatay.
Sa kabila ng mga nangyaring paglubog dahil sa human error, marami pa ring shipping company ang hindi natututo. Mayroong lumulubog dahil overloading, mayroong lasing ang kapitan at iba pang dahilan.
Isang linggo na ang nakararaan, lumubog ang M/V Lady of Carmel sa karagatang malapit sa Burias Island, Masbate. Dalawa ang namatay at pito ang nawawala. Umano’y naalis sa pagkakatali ang isang bus na karga ng barko kaya ito tumagilid at lumubog. Ang masaklap, wala umanong sapat na kaalaman ang crew para mailigtas ang mga nag-panic na pasahero. Nauna pa umanong tumalon ang mga crew.
Isang araw makalipas ang paglubog ng Carmel, muntik na ring lumubog ang M/V St. Gregory the Great habang patungo sa Iloilo. Pinasok ng tubig ang engine room at nagpanic ang mga pasahero. Mabuti at malapit na sa Iloilo port kaya ligtas na naibaba ang may 364 na pasahero. Nang inspeksiyunin ang barko, natuklasan na walo pala ang butas nito. Ayon sa report maaaring tumama sa corals ang barko kaya nabutas.
Ligtas pa bang sumakay sa mga barko ngayon? O pinapain lang ang mga pasahero sa kamatayan. Nararapat magkaroon ng pagsisiyasat ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa mga bumibiyaheng barko. Dapat pa bang ibiyahe o igarahe ang mga ito? Sapat ba ang kaalaman ng kapitan at crew para mailigtas ang mga pasahero? O sapat na sa kanila ang kumita lang nang kumita?