EDITORYAL - Kahinaan ng MARINA

DATI kapag may mga barko na nasasangkot sa aksidente, agad na sinususpinde ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang shipping company. Lahat nang barkong pag-aari ng shipping company ay hindi hinahayaang bumiyahe. Kinakaila-ngang maimbestigahan muna ang nangyari bago hayaang makapaglayag ang mga barko. Halimbawa ay nang lumubog ang barkong MV Princess of the Stars na pag-aari ng Sulpicio Lines, lahat nang barko ng Sulpicio ay hindi pinabiyahe. Lumubog ang Princess of the Stars sa San Fernando, Romblon habang nananalasa ang bagyong “Frank” noong June 21, 2008. Mahigit 700 ang namatay sa paglubog na iyon na karamihan ay hindi pa nakikita.

Pero ano ang nangyari sa MARINA at sa kabila na may mga namatay sa lumubog na M/V Our Lady of Carmel noong Biyernes sa Burias Island, Masbate ay hindi sinuspende ang operasyon ng iba pang barkong pag-aari ng Medallion Shipping Lines ng Cebu City. Ayon sa report patuloy pa ring nakapagbibiyahe ang iba pang barko ng Medallion Shipping Lines. Dalawa ang kumpirmadong namatay sa paglubog ng barko at pito pa ang nawawala. Umalis ang barko sa port ng Albay na may 57 pasahero. Lulan din ng barko ang dalawang passenger bus at isang six-wheeler truck. Umano’y tumagilid ang barko tatlong oras makaraang makaalis ng Albay at mabilis na lumubog. Limampu’t lima ang nailigtas. Ang pitong nawawala ay hindi umano kasama sa manipesto ng barko.

Ayon naman sa pamunuan ng MARINA, hindi nila sinuspinde ang operasyon ng mga barko ng Medallion Shipping Lines sapagkat hinihintay pa ang imbestigasyon kung bakit lumubog ang M/V Our Lady of Carmel. Kailangan daw malaman ang dahilan ng insidente. Wala raw namang sama ng panahon at kalmado ang dagat nang maganap ang paglubog.

Paano kung matagal bago mailabas ang imbestigasyon? Ibig bang sabihin, bibiyahe nang bibiyahe ang mga barko ng Medallion Lines habang nag-iim-bestiga? Paano kung mayroon na namang barko nila ang lumubog o nasangkot na naman sa trahedya?

Anong nangyayari sa MARINA na kailangan pa yatang marami ang mamatay bago tuluyang ipatigil ang operasyon ng shipping lines. Ngayong panahon ng pagdalaw ng bagyo, maaaring may mangyari pang hindi maganda habang naglalayag ang mga barko. At ano pa kaya ang gagawin ng MARINA kung sakali?

Show comments