Ang multo, ang aswang ay wala na ngayon
pero ang napalit sama ng panahon;
Kaya mapapansin mga asong laboy
ay hila ng tao saanman paroon!
Malalaking aso na noon ay aswang
kasabay ng tao sa nilalakaran;
Sa mga nasapit malalayong bayan
mga tao’t aso ay nasa lansangan!
Sa ngayon ang multo’y mga taong buhay
sila’y mga taong sa yaman ay uhaw;
Inaakyat nila’y malalaking bahay –
kinukuha’y pera saka pumapatay
Nawala ang multo napalit ay tao
mga multong tao’y walang sinasanto;
Mga multo noo’y tinatakot tayo
mga tao ngayo’y tayo ang inaatado!
Ang mabuhay ngayon sa mundong ibabaw
di na multo’t aswang kinatatakutan;
Mga multo ngayo’y mga taong buhay
na ang dala’y karit --- karit-kamatayan!