EDITORYAL - Gaano kahanda ang PNP sa pagbubukas ng klase?

SABI ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong isang araw, handa na raw sila sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 3 o sa darating na Lunes. Magpapakalat daw ng mga pulis sa paligid ng eskuwelahan para mapangalagaan ang mga estudyante. Nasa mahigit 20 milyong estudyante ang inaasahang magbabalik-eskuwela.

Madaling sabihing “handa” pero ang inaasahan nang mamamayan particular na ang mga magulang ay ang kasiguruhan na magiging ligtas ang kanilang mga anak habang nasa school. Madaling magsalita pero ang hinihintay ng mamamayang nagsasawa na sa mga nangyayaring krimen araw-araw ay ang agarang pagkilos para hindi makapagsagawa ng anuman ang mga criminal. Sa kasalukuyan, wala nang kinatatakutan ang mga criminal. Kahit nasa harapan ng presinto ng pulis ay walang takot na isasagawa ang krimen. Kahit may pulis na nakatayo sa dako roon ay mayroong manghoholdap at mangi­ngidnap. Nalalaman na ng masasamang-loob kung hanggang saan ang kapabilidad ng pulis.

Usung-uso ngayon ang pangingidnap ng mga bata. Nitong nakaraang buwan, sunud-sunod ang pagkawala ng mga bata na ang edad ay walo hanggang 10 taong gulang. Sinasalisihan ang mga magulang at kapag nakalingat, dadagitin ang bata. May nangyayaring pangingidnap sa loob mismo ng mall, may sa harap mismo ng bahay at merong mga sanggol na habang nasa ospital (kapapanganak pa lang) ay ninanakaw na. Marami nang nangyaring ganito. At masakit mang sabihin, hindi nalulutas ng PNP ang mga gjnagawang pangingidnap.

Kung sa mga mall at sa harap ng bahay ay naga­ gawa ang mga masasamang balak sa mga bata, mas lalong magagawa ito sa paaralan. Madaling madadagit ang mga bata sa pamamagitan ng pana­nakot. Iglap lang, tangay na ng sindikato. Magugulat na lamang ang mga magulang sapagkat ang susunduing anak ay wala na pala.

Ipakita ng PNP ang kaseryusohan sa pagbibigay ng seguridad sa mga estudyante. Tuparin ang pina-ngakong police visibility. Hindi sana ningas- kugon sa pagtupad ng tungkulin. Ipakitang kayang protektahan ang mamamayan sa masasamang-loob.

 

Show comments