MAY mga kaugalian ang iba nating kababayan na hindi nila alam ay nakasasama na pala sa kanilang kalusugan. Alamin natin ang mga ito:
1. Laging nagpupuyat --- Kailangang mag-ingat ang mga taong kulang sa tulog at laging gumi-gimmick. Ayon sa pagsusuri, ang mga laging puyat at kulang sa tulog ay mas tumataas ang insidente ng sakit sa puso at kanser. Kung ika’y nagtatrabaho bilang night shift, kailangan ay doble ang iyong pag-aalaga sa sarili. Siguraduhing masustansya ang iyong kinakain at sapat ang iyong pahinga.
2. Mahilig mag-yosi at uminom ng alak --- Napakaraming sakit ang puwedeng makuha sa paninigarilyo, tulad ng sakit sa baga, kanser, ubo, hika at wrinkles sa mukha. Ang sobrang alak naman ay nakababawas ng ating talino dahil namamatay ang brain cells. Kung gustong humaba ang buhay, iwasan ang mga bisyo.
3. Konting uminom ng tubig ---Maraming Pinoy ang mahinang uminom ng tubig. Minsan tatlong baso lang sila kung uminom sa isang araw. Kailangan natin ng anim hanggang 10 baso sa isang araw. Matutulu-ngan ng tubig ang mga sakit tulad ng UTI, sakit sa bato, panghihina, constipation at pangungulubot ng balat.
4. Hindi nag-aalmusal --- Alam ba ninyo na halos isa sa bawat tatlong Pilipino ang hindi nag-aalmusal? Sa almusal, kumukuha ng lakas ang ating katawan para magtrabaho, mag-isip at magkaroon ng energy. Ang almusal ang pinakamahalagang pagkain natin sa buong araw. Ang mga batang nag-almusal ay nagiging mas matalino at mas mataas ang grado sa paaralan. Sa mga office workers, mas gaganda rin ang inyong performance sa trabaho.
5. Mahina sa gulay at prutas --- Ang rekomendasyon ko ay kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas sa bawat araw. Sa ganitong paraan, makukuha mo ang lahat ng kailangang vitamins at minerals. Sa mga bata at sa mga payat na tao, puwede na ang isa at kalahating tasa ng gulay at prutas bawat araw.
6. Puro taba ang kinakain — Iwasan ang mga matatabang pagkain tulad ng lechon, crispy pata, chicharon, lamanloob, at taba ng baboy at baka. Tingnan ninyo. Kung ang mantika nito ay nagiging sebo kapag nalamigan, gaanoon din ang mangyayari sa taba sa loob ng iyong katawan. Kung ayaw mong atakehin sa puso, bawaÂsan ang pagkain nito.
Abangan ang karugtong sa susunod.