ANG payo ng Malacañang sa mga mangingisda sa Zambales, off-limits muna ang pangingisda sa Bajo de Masinloc.
Bakit? Para maiwasan daw ang pag-igting ng tension sa pagitan ng Pinas at China na pilit umaangkin sa naturang karagatan na sakop ng Zambales.
Nag-deploy kasi ng mga barko ang China sa naturang karagatan at maaaring manganib ang sino mang mangingisdang mapadpad doon. Kawawang Pilipinas! Sa tingin ko ay parang nakaporma na at redi nang makipag-giyera sa atin ang China.
Baka isang araw, magising na lamang tayo na bahagi na pala ng People’s Republic of China ang Pilipinas. Huwag naman sana Diyos ko. Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, habang ipinaglalaban natin ang karapatan ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc, humanap na lamang ng ibang mapapangisdaan ang ating mga mangingisda. Problema iyan para doon sa mga kababayan nating walang ibang ikinabubuhay maliban sa pangingisda.
Temporary lang naman pala. Pero ang tanong, hanggang kailan magtitiis ang mga pobre nating kababayan? Sa tingin ko, kung daraanin sa negosasyon at legal na paraan sa international forum ay magtatagal pa ang usaping ito. Isang impluwensyal at malakas na bansa ang China. Maraming pera at may malakas na military power.
Samantala, ano kaya ang namumuong impresyon sa atin ng ibang bansa? Kung hindi man tayo pinagtatawanan, malamang ay napakaliit ng tingin ng ibang bansa sa atin. Isang maliit na bahagi lamang ng problema ang kawalan ng hanapbuhay ng ating mga kababayan sa Zambales. Ang pinakamalaking problema ay ang soberenya ng Pilipinas na namimingit masakop ng ibang bansa.
Ayon sa Palasyo, bibigyan ng livelihood assistance ang mga mangingisdang apektado sa Bajo de Masinloc ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Ngunit sa usapin ng soberenya, sino ang tutulong sa atin? Wala tayong panlaban sa firepower ng China na kinatatakutan na ngayon ng daigdig. Tutulong ba sa atin ang Amerika na matagal na nating isinuka nang palayasin ang kanilang mga base military sa bansa?
Sabi naman ng barbero kong si Gustin: “Hindi kaya ito isang senaryo para makorner ang PiliÂpinas at magnasang maÂibalik sa Pilipinas ang mga US military bases?â€
Hay naku. Pasensya na kayo kay Gustin at maÂyaman ang imahinasyon.