Kape, tsa at iba pa

MALAKAS na ba talagang uminom ng kape ang mga Pilipino? Dahil na rin sa matinding trapik sa siyudad, napansin ko ang napakaraming negosyo na kape ang pangunahing produkto. Hindi ko na sasabihin ang kanilang mga pangalan. Minsan, sa isang lugar, may apat o limang tindahan na bukas, na hindi naman puno ng tao. At may mga itinatayo pa. May mga bagong tatak ng kape naman na nagsisimula ring magtayo ng kanilang mga puwesto. Mga prankisa mula sa ibang bahagi ng mundo maliban sa Amerika. At lahat sila ay nagbebenta nang mamahaling kape. Cappucino, latté, machiato, java at kung anu-ano pa. Barako wala. Hindi naman sa may pinapaboran ako, pero masarap rin naman ang 3-in-1 na kape, mura pa! Malayo nga naman ang P5 hanggang P10 kada tasa kumpara sa P100 o higit pa kada baso! Sa tatak na lang nagkatalo.

Ito na rin ang dahilan kung bakit pinayo ni Suze Orman, isang kilalang financial guru sa buong mundo, na kailangang magbawas na ang Pilipino sa pagbili ng mga latté, para makatipid sila para sa mas importanteng bagay, katulad ng edukasyon ng mga magiging anak, kanilang kalusugan at panahon ng pagretiro. Baka raw pag may sakit na ay wala namang naitabi para magpagamot. O kaya’y kapag matanda na at wala namang naitabi, hindi makakapagretiro nang maayos. Maraming Pilipino ang inuuna ang masarap na buhay, at hindi iniisip ang kinabukasan. Partikular dito ay mga bagong graduate at may trabaho na. Kapag nakatikim na ng sariling kita, tila wala nang katapusan ang pera kaya gastos na lang nang gastos. Dapat nilang malaman na hindi araw-araw ay Pasko, at hindi linggu-linggo ay bakasyon.

Kapag may negosyo na magandang kumita sa simula, tiyak na marami ang gagaya at magbubukas ng similar na negosyo. Nakita natin ito sa lechon manok, gulaman, shawarma, tapsilog, pritong patatas, pares, tsaa at kape. Natandaan ko noong unang nanalo si Efren “Bata” Reyes, napakaraming nagbukas na bilyaran. Natitira na lang ang mga matitibay, mga hindi nagpapadala sa uso lamang, mga matagal nang bukas na negosyo. Mabuti kung lahat kumita na bago nagsara. Mga iba, kabubukas pa lang, natatalo na dahil huli na at wala na sa uso nang maitayo.

 

Show comments