‘Isang buwan walang ulan’

MAKUBA ka na sa trabaho huwag ka lang mamilipit sa kalam ng tiyan… sa gutom dahil hindi mo kakayanin.

“ HINDI lang dahil sa pangangailangan ko… na sabik na ako sa kanya kaya gusto ko na siya pauwiin! Kung ikaw ang asawa maiintindihan mo…masakit para sa’kin,” matigas na sabi ni ‘Ponso’.

Gutom, sugat-sugat na kamay …pagod at puyat. Ilan lang ito sa mga nakakabahalang sumbong daw sa ‘text’  ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia. Si Maryknoll “Enol” Alcalde , 43 anyos.

Ipinikita sa amin ni Alfonso “Ponso”, 48 anyos--mister ni Enol ang ilan sa mga text messages ng asawa na nakabagabag sa kanya.  “Sa’yo ba naman magreklamo ang misis mo, unang araw pa lang niya pinakiskis na sa kanya buong pader ng compound…kundi ka mag-alala,” wika ni Ponso.

Tubong San Jose, Del Monte, Bulacan ang mag-asawa Alcalde. Nagkaroon sila ng apat na anak. Binuhay ni Ponso ang pamilya sa pagwa- ‘watch repair’. Mula simula, ‘di niya pinagtrabaho si Enol.

“Kahit ‘di malaki ang kita ko, maayos ang buhay namin,” sabi ni Ponso.

Marso 2013, nagulat si Ponso ng sabihin ni Enol na pupunta siyang Riyadh.

Pinigilan agad ni Ponso ang misis. “Mama… sigurado ka ba? May edad ka na, makakaya mo ba ang trabaho dun? ‘Wag mo ng ituloy habang nandito ka pa. ‘Pag nagkaproblema ka dun mahihirapan ka ng makauwi.”

Pinagtapat ni Enol na naisanla niya ang kanilang lupa sa ‘pawnshop’ pampa-anak ng kanilang panganay. “Ito lang ang naisip kong paraan para matubos ang titulo,” paliwanag ni Enol.

Domestic Helper (DH) ang trabaho ni Enol sa Riyadh. Sasahod siya ng  400 US Dollars o katumbas na Php 16,400. Dalawang taon ang kontrata niya dito. Hawak naman siya ng ahensya, ang TCI Employment Agency kaya panatag siya.

 Habang papalapit na ang pag-alis ni Enol, ayon kay Ponso sinubukan pa nitong umatras subalit nagalit na umano ang ‘manager’ ng TCI na si Don Gomez.

“Sh*t! daw, madami na raw silang gastos tapos hindi itutuloy? Kaya napilitan na ang asawa ko,” wika ni Ponso.

Ika-25 ng Abril 2013, lumipad papuntang Riyadh si Enol. Maayos nung una ang trato sa kanyang ng among nakilala niya sa pangalang ‘Mama Sarah’. Sa isang bahay sa loob ng ‘compound’, malapit sa ‘highway’ ito nakatira.

Pagkagising ni Enol, pinahawak na siya ng basahan at pinakiskis ang pader sa buong compound. Sinunod naman ni  Enol ang utos subalit nung mga sumunod na araw, nagsusumbong na ito kay Ponso sa text. “Papa… ang gabihan d2 tinapay lng & 2big. Mgtmpla ka ng tea yung anak nasusumbong.”

“Mahirap ang buhay d2, di ka pwedng magpahinga. Ang sakit ng tiyan ko dito sa gutom pero sila lamon ng lamon tapos di man lang tanungin kung nagugu2m ka…” –laman ng ilan sa mga texts.

Gutom daw ang pinaka problema ni Enol. Wala raw agahan. Hihintayin pa niya ang among magising bago makapag-alamusal. “Kahit daw masakit na tiyan mo, titiisin mo na lang. Tubig na lang ang katapat!” kwento ng mister.

Lahat ng mga texts ng asawa pino-‘forward’ ni Ponso sa ‘agent’ ni Enol na si Christine Bayan. Hindi nakuntento si Ponso, ang ginawa niya pinuntahan niya ang TCI at kinausap si Don. Sinabi ni Don na tinawagan na niya amo ng asawa.

Sa kanilang pag-uusap binuksan ni Ponso ang tungkol sa kontrata sabay hingi ng kopya. Hindi raw nagbigay si Don. “Nasa asawa mo na,” sabi raw nito. Bagay na tinanggi ni Enol, wala raw siyang hawak. Patuloy pa rin ang mga sumbong ni Enol sa text kaya’t nagdesisyon si Ponsong lumapit sa amin.

“Pa… payat ko na, gabi di ako kumakain. Paano isang itlog lang… ang hirap dito,” huling text ng misis.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN).

PARA SA ISANG PATAS NA PAMAMAHAYAG, kinapayam namin sa radyo ang manager ng TCI na si Don Gomez. “Oh, Mr. Alfonso, 2 weeks ago nakausap ko na ka’yo ah?” panimula ni Don. Nilinaw ni Don na nakausap na rin niya ang anak ni Ponso na si “Angel” at sinabi nitong wala naman daw problema ang ina sa Riyadh. Ang tatay lang daw niya ang gustong magpauwi dito.

“ ‘Pag tinatanong ko si Enol, sinasabi niya “Okay lang ako sir, nalulungkot lang ako…” sabi ni Don.

Kinlaro din niyang ‘di ginugutom ang Pinay dun. “Hindi raw siya makakain dahil naninibago raw siya sa pagkain. At saka iyak ng iyak yun dahil text ng text ang mister niya,” sabi ni Don.

Dagdag pa niya,‘di makapagtrabaho ng maayos si Enol dun dahil kay Ponso. Tatlong linggo pa lang daw nandun si Enol, kaya’t normal na manibago ito lalo na’t first time nitong nangibang bansa sa edad na 40 plus.

“Ganun talaga sa una…maku-culture shock siya,” sabi ni Don.

Nilinaw din niyang, hindi sila namimilit ng aplikante taliwas sa kuwento ni Ponso. Pinag-isip daw nila ng tatlong buwan si Enol kung tutuloy siya. Pagdating naman sa akusasyon ni Ponso na minura umano siya nito at sinabihan pa umano siyang “Magpunta kang banyo, mag j@k#l para makaraos ka. Maghanap ka ng babae pero huwag mong pauwiin ang asawa mo.” Mabilis na sagot ni Don, “I totally deny the allegations. Hindi kami nagmumura ng aplikante. Hindi ako nagsasalita ng ganyan!”.

Ayon kay Don, dahil wala pang tatlong buwan si Enol sa kanyang amo sakop pa siya ng ‘probation’. Mag-antay antay lang daw at puwede namang palitan ng ‘employer’ si Enol pero ‘di ibig sabihin puwede siyang pauwiin. Kung gusto daw niya, sila ang magbayad ng ‘plane ticket’ nito pabalik ng bansa.

“May kasama pa siyang isang Pinay dun wala namang reklamo e, pero ‘wag po kayong mag-alala gagawan namin ng paraan yan,” ani Don.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinayuhan namin si Don na tawagan muli si Enol para malaman ang kanyang kundisyon habang kami nama’y makikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis para iparating ang sumbong ng Pinay kay Amb. Ezzedin Tago at mapapuntahan ng taga embahada at malaman ang  kalagayan niya.

Naiintindihan namin ang nararanasan ng mag-asawang Alcalde dahil unang beses nilang malayo sa isa’t isa at para naman kay Enol unang beses niyang magtrabaho ibang bansa…sa lugar na iba ang kultura kaya’t maaring naninibago pa siya at nasa ‘adjustment period’ pa. Ganun pa man kung totoo nga ang sumbong niya kay Ponso na ginugutom siya ng kanyang amo, ito ang bagay na dapat itama. Ang pagiging DH, kaakibat na diyan ang hirap at bigat ng utos pero para butasin ang iyong bituka? Yan ang ‘di tama. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Chen) /09198972854 (Monique)/ 09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd.,Pasig City.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments