BAGO itanghal ang oathtaking of lawyers sa PICC noong Miyerkules ay inilabas ng Supreme Court ang mga statistics ng bawat Law School sa performance ng kanilang nagsipagkuhang mga gradweyt. Kung may top 10 ang mga examinee, mayroon ding top 10 ang mga mismong kolehiyo ng batas. Sa 2012 bar exams, kung ang passing average ng Metro Manila Law Schools ang pag-uusapan, ang top 10 ay ang sumusunod: 1. UP. 2. Ateneo. 3. San Beda. 4. Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). 5. San Beda Alabang. 6. San Sebastian. 7. UST. 8. FEU-DLSU. 9. PUP. 10. Arellano.
Ikinatuwa ng pamunuan ng PLM ang mataas na pagka-puwesto ng kanilang kolehiyo ng batas. Sa top 10 sa Manila, pang apat ang PLM at isa ito sa tatlong pampublikong institusyon na nakakamit ng mataas na ranking (4th) kasunod ng University of the Philippines (1st ) at bago ang PUP (9th). Malaki ang diperensya ng kalidad ng edukasyon na hatid ng mga public law schools kapag ikumpara sa mga pribadong kolehiyo. Sa tuition fee na lamang, ang PLM College of Law at ang PUP ay sumisingil lang ng mababa sa 25 thousand kada semester hambing sa 50 to 80 thousand na semestral tuition ng pribadong iskwelahan. Ang tuition ay nagdidikta rin ng kalidad ng edukasyong nakukuha – siempre, ang isang Ateneo na sumisingil ng pinakamataas na matrikula sa buong bansa ay maaring magbayad din ng pinakamataas na sahod sa mga propesor habang ang isang PLM na sumisingil ng pinakamababang matrikula sa Metro Manila ay aasa lamang sa kagandahang loob ng mga propesor na papayag magturo kahit hindi man matumbasan ng kanilang maliit na bayad ang pang-gasolina man lang patungo sa kinatatayuan ng PLM sa Intramuros.
Sa kabila nito ay nakuha ng PLM na mahigitan ang mga powerhouse na Kolehiyo sa nakaraang resulta ng bar exams. Marami mang pera at kagamitan ang isang kolehiyo, sa huli ay ang taglay na husay ng mga bata at ang kontribusyon ng kanilang mga faculty ang didikta ng tagumpay nito gaano man kahirap ang pagsubok na daanan.