^

PSN Opinyon

‘Si Panchito ng Cebuana’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

“Alahas ko ang isasanla ko hindi ang puri ko! Akala niya si­guro may tuliling ako kaya iniisip niyang sasama ako sa kanya!”

Ito ang mga salitang binigyang diin ni Evangeline “Angie” Galila, 44 taong gulang, nakatira sa Navotas nang magtungo siya sa aming tanggapan. Inirereklamo niya si Casimero Panchito na ‘manager’ ng Cebuana Lhuillier Pawnshop, Navotas Branch.

Nang ilusot niya ang kamay upang iabot ang bayad kakaibang himas…pisil… sabay tingin sa kanya. “Tinetext kita bakit hindi ka nagrereply?” tanong ni Panchito.

Dating nagtrabaho bilang ‘bar tender’ sa Ramada Hotel sa bansang Qatar si Angie. Dun may nagregalo sa kanya ng kwintas at bracelet na ginto.

Mamula-mulang ginto. Tuwing gagamitin niya kusa itong lumalaylay at nahuhubad. Ganito kung ilarawan ni Angie ang bracelet.

Nang umuwi siya dito sa Pilipinas nagtayo siya ng ‘sari-sari store’ ngunit hindi siya sinuwerte kaya nagpasyang magsanla ng alahas. Nobyembre 25 taong 2011 nang magpunta siya sa Cebuana Lhuillier Pawnshop. Pagdating niya doon kinilatis ang dala niyang mga alahas, tinimbang bago siya binigyan ng presyo. 12,500PHP ang bracelet at 19,000PHP  naman ang kwintas.

Dalawang beses niyang naisanla ang mga alahas. Nitong huli ayaw niyang bumalik sa sanglaan dahil sa umano’y pagtetext ni Panchito sa kanya. “Musta na, ano gawa mo?”

“Dun ko naalalang may record ako sa kanila at nandun ang numero ko kaya niya ako na-text,” sabi ni Angie.

“Tara labas tayo. Magpalamig tayo sa motel… samahan mo ‘ko,” aya umano ni Panchito sa text.

“Siya ang lagi kong kausap. Kapag nagbabayad ako ng interes pangiti-ngiti siya sa ‘kin. Pakindat-kindat. Tapos hinahawakan niya yung kamay ko,” inis na sabi ni Angie.

Nagpapabili pa raw ito ng meryenda sa kanya.

“Tama ba namang ugali yun? Nagtetext siya sa akin gamit pa ang numero ng Cebuana. Manager pa naman siya. Customer ako tapos ganun niya ko tratuhin?” tanong ni Angie.
Ika-28 ng Pebrero bitbit ang perang pantubos nagtungo sa Cebuana si Angie. Nang makuha niya ang kwintas at bracelet napansin niyang napalitan ang bracelet. Ang dating makapal at mamula-mulang ginto ay naging manipis at mapusyaw na ang kulay.

“Hindi ko bracelet ‘to! Panlalaking bracelet ang isinanla ko bakit naging pambabae na ‘to?” agad niyang reklamo.

Ilang ulit sinubukan ni Angie na ibalik ang bracelet pero ipinipilit umano ni Panchito na yun ang kanyang alahas.

PARA SA ISANG PATAS NA PAMAMAHAYAG, kinapanayam namin si Casimero Panchito tungkol sa mga akusasyon ni Angie sa kanya. Mariin niyang itinanggi ang pagpapalit umano ng alahas. “Naka-seal ang mga alahas kapag isinasanla sa amin. Tinitimbang din yan.” Dagdag pa niya tama sa timbang ang ibinigay nila kay Angie. Walang palitang naganap. Tungkol naman sa pag-aaya niyang magmotel…

“Diyos ko! Wala katotohanan yan. May pamilya akong tao. Bakit ko naman siya aayain? Akala nga namin loka-loka yan.” Tuwing pupunta daw itong si Angie sa pawnshop laging nakatawa at umaabot ng kalahating oras sa pakikipag-usap. Pautal-utal pa kung magsalita. “Oo mayroong text pero hindi naman sa ganung sitwasyon. Kinukumusta ko lang siya bilang kaibigan,” sabi ni Panchito.

Mariin naman ang naging pagsalungat ni Angie sa sinabi ni Casimero. “Kung may sira ako sa ulo hindi ako magsasanla at magbabayad ng tama.” Noong Marso 25, 2013 nagdala siya ng isang testigo, si Ofelia Paglinawan na kapit-bahay ni Angie na nakasaksi daw sa ginawa ni Panchito.

“Nagkataong nandun ako sa Cebuana. Nakita kong pinisil at hinawakan ni Panchito ang kamay ni Angie,” pahayag ni Ofelia. Sinabihan niyang huwag itong magpahawak sa manager.

Nagkausap ang kampo ng Cebuana at ni Angie, napatunayang hindi talaga ito napalitan. Tungkol naman sa inakto ni Panchito handa silang harapin sakaling magsampa ng kaso si Angie.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang istoryang ito ni Angie.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kilalang kompanya ang Cebuana hindi naman siguro nila sisirain ang kanilang reputasyon at pangalan para lang sa kulang sa dalawampung libong piso.

Alam kong alam ninyo na sasabit ang pangalan ng Cebuana dahil hindi basta tauhan ninyo itong si Panchito kundi manager ninyo.

Buong pagmamalaki ng Public Relations Manager na si Cheer Mae Ecarma na buti nga hinarap siya ng inyong company executive. Bakit naman hindi repleksyon din yan sa inyong malaking kumpanya.

Nauwi daw sa usapang pera dahil una humingi ng sampung libong piso. Naibaba nila sa apat na libong piso at nagkasundo. Kayo din ang dapat sisihin sa maling pag ‘handle’ nito.

Kung sa simula pa lang hindi pumasok ang usapang pera at inaksyunan ninyo ang mga umano’y akusasyong ‘sexual harassment’ nitong si Panchito ayos na sana, gaya ng tungkol sa alahas. Anong ginawa ninyo? Nakipagtawaran kayo at ngayong biglang nag-iba ang isip ni Angie. Ayaw na ng apat na libo. Pabalik-balik na ito sa opisina namin at sa aming istasyon. Inantay muna namin ang inyong ‘final word’ bago namin isinulat ito. Naging patas kami. 

Malinaw naman na kung totoo nga ang bintang at pahayag ng testigo, si Panchito ‘acted on his own’. Nakumplika nga lang nang magtext ito gamit ang ‘official cellphone ng branch’ na hawak ni Panchito na Cebuana. 

Suspindihin ninyo, bigyan ninyo ng ‘sanctions’ dahil on ‘national broadcast’ inamin niyang tinetext niya itong kliyente ng personal gamit ang cellphone ng branch.

Ano sabi ninyo, ‘sige magdemanda na lang siya’. Okay, palakihin natin ito. Hindi kaya maapektuhan ang inyong sikat na kurporasyon?

Bulok ang style mo Panchito ayaw mong gamitin ang personal na cellphone mo sa pagtext kay Angie dahil baka sumagot siya dito at mabasa ng asawa mo at mapingot o makutusan ka. Lahat ba ng inyong kliyente ay iyong tinetext para kumustahin? Kumidyanteng sagot yan!

Sinubukan namin pag-ayusin kayo na ‘walang monetary consi­derations’, alam mo yan Ms. Cheer Mae, usapan lang.

Ngayon mauuwi na ito sa kasuhan at kami ay susuporta sa nag­rereklamo dahil may ‘ring of truth’ ang kanyang sinasabi.

Inirefer namin si Angie sa abogado mula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), si Atty. Alice Vidal, isang opisyal dun para magsampa si Angie ng kaukulang demanda.

Hindi dito magtatapos ang usapin at hahaba pa ito. Patuloy na­ming isusulat ang mga pangyayari kay Angie, Panchito pati na rin ang Cebuana Lhuillier. Abangan! (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

vuukle comment

ANGIE

CASIMERO PANCHITO

CEBUANA

NAMAN

NIYA

PANCHITO

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with