Walang sisihan
PINAGDIINAN ni President Noynoy Aquino na mga daÂting politicians ang dapat sisihin sa malawakang power crisis sa Mindanao na hanggang ngayon ay patuloy pa rin kung saan umaabot sa walo hanggang 10 oras ang brownout sa malaking bahagi ng katimugan.
Sinabi ni Aquino na ang dating leaders ay naniwalang panghabambuhay na mura ang hydroelectric power na ginagamit sa Mindanao at hindi man lang inisip na ang mga nasabing hydropower plants ay kinakailangan ding ayusin, kumpunihin at palitan man upang patuloy ang nasabing sistema.
Tinukoy ni Aquino ang kagustuhan ng mga dating local officials at congressmen ng Mindanao na maging exempted sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 (Epira) at ang heavy reliance on the use hydro-powered plants na naging sanhi ng malawakang power crisis sa Mindanao.
Tiyak na may kinalaman si Cabinet Secretary Rene Almendras, na dating Energy Secretary din, sa kung anuman ang pinagsasabi ni Aquino ngayon na tumutukoy sa mga dating politician na mga salarin sa patuloy na pagdurusa ng mga Mindanaoan sa kawalan ng kuryente.
Ang naging litanya ni Aquino ay walang pinag-iba sa mga sinasabi ni Almendras noong siya ay Energy Secretary pa. Wala rin namang nagawa si Almedras sa power crisis sa Mindanao kung hindi manisi rin.
Ang usapin sa power supply sa Mindanao ay hindi saklaw ng mga local politicians lamang. Mas malaki ang responsibilidad at dapat gampanan ng national government sa isyu na ito.
Ilang ulit nang sinabi ni Aquino noon na pinaubaya ng national government ang paghanap ng solusyon sa problema sa mga local officials maging sa pagpili ng kung anong power source ang gagamitin ng bawat lokalidad. Ngunit hindi ganun iyon. Hindi ‘yon bottoms up kundi manggagaling sa taas ang anu mang nararapat gawin.
Tag-tuyot na naman at lalong tumitindi ang power crisis dahil nga tuyo na naman ang Lake Lanao sa Marawi City at ang Pulangi River system sa Bukidnon na mga pangunahing sources ng hydroelectric power sa Mindanao.
Kung maari lang sana tama na ang sisihan. Hindi solusyon sa power crisis ang paninisi sa mga nakaraang opisyales ng Mindanao.
Kung ang paninisi ay magproprodyus ng libu-libong megawatts ng kuryente para sa Mindanao, talagang walang humpay kong sisisihin ang sinuman upang maayos lang ang power crisis sa katimugan.
- Latest