Gawing prayoridad ang edukasyon

MULA pambansa hanggang local na lebel ng pamahalaan, dapat gawing prayoridad ang edukasyon. Isa naman talagang top project iyan ng administrasyon ni P-Noy dangan nga lamang at hindi pa makapag-full blast.

Masyadong nakababahala kasi ang kaso ng mga nagsu-suicide na kabataan na ang dahilan ay hindi sila makapagtapos ng pag-aaral dahil sa kakulangan ng pera.

Diyan pala sa Guiguinto, Bulacan ay libre ang tuition fee sa mga  mag-aaral sa 21 day care centers . Libre din ang mga gamit sa eskuwela gaya ng bag, lapis, krayola, notebooks, rulers, erasers, paste at libro para sa halos 2 libong day care students. Nagtataguyod din sila sa bayang ito ng scholarship sa kolehiyo para sa mga kabataang mahihirap.

Di ko alam ang sikretong pormula para gawin ito pero kung posibleng gawin ito sa isang bayan, bakit hindi puwedeng tularan ng iba?  Ang kailangan lang marahil ay isang creative approach at mga leader na may determinasyon magsulong ng magandang adbokasya.

Naniniwala daw si  Guiguinto Mayor Isagani Pascual (Liberal Party) na kailangang suportahan  ng  mga lokal na pamahalaan ang   proyekto ng pamahalaan  para sa libreng edukasyon na itinataguyod ng administrasyon.

Natutuwa naman ako na marami sa mga senatorial bets ang may pangunahing agenda kaugnay ng edukasyon katulad ni Bro. Eddie Villanueva na bukod sa pagiging religious leader ay isang educator. Iyan din ang agenda ni Team P-Noy senatorial bet Bam Aquino at Sonny Angara.

Ayon sa Mayor ng Guiguinto,  ang edukas­yon ay kasama sa kanyang 3-point agenda    ng “Kabuhayan, Kalusugan at Edukasyon”. Kung matutularan din  ito ng mga local na ehe­ku­tibo, walang dahilan para maging makupad ang pagtatamo ng reporma sa larangan ng edukasyon.

Magaganda naman ang mga plataporma ng mga kandidato tulad ng pagkain, hanapbuhay at iba pa. Pero para sa akin, ang edukasyon ang dapat maging prio­rity ng lahat. Kung walang edukasyon, ang bansa ay magiging bansa ng mga mangmang. Sabi nga ng lumang kasa­bihan: Knowledge is power.

Show comments