Bangketa?

MAY mga oras na nagtataka ako kung bakit sa kalsada naglalakad ang ilang tao, na minsan ay nasa gitna na ng kalsada mismo! Minsan ay mga banyaga pa! Minsan ay peligroso rin para sa mga sasakyan kapag iniwasan para lang hindi sila masagasaan. May mga araw na gusto kong huminto para pagsabihan na gamitin ang bangketa, at para doon naman ang tao at ang kalsada ay para sa mga sasakyan!

Halos walang malakaran ang tao sa bangketa, dahil sa dami ng mga balakid! Mga tindahan, mga extension ng mga tindahan, kainan, bahay, tiangge, lahat na! Mga iba, hindi ko alam kung paano nakakuha ng permit para magtayo ng tindahan o kainan! Iba naman, basta na lang nilagyan ng extension ang kanilang mga tahanan o tindahan, at ugali talaga ng Pilipino iyan.

Tila lahat ng puwedeng kunin na lupain ay kukunin, kahit hindi naman nila pag-aari! Ilang mga sasakyan ang nakikita ko sa mga bangketa tapat ng ilang tahanan, dahil ang garahe ay ginawa na ring silid o sala! Sa aking kaalaman, encroachment ang tawag diyan pero parang walang pakialam naman ang mga lokal na pamahalaan! Mga iba, ginawan na rin ng silid ang bangketa!

Kaya ang dapat sisihin dito ay ang mga lokal na pamahalaan. Kung binigyan ng permit para magtayo ng mga tindahan o kainan, dapat magpaliwanag. Kung hindi naman, dapat tanggalin! Natatandaan ko noong termino ni Bayani Fernando bilang MMDA chairman, pinatanggal niya ang mga balakid na ito, kahit galit pa ang mga nagtayo. Pero hindi rin nagtagal ay tinigil niya ang pagtanggal, at nagtayuan na naman ang mga harang!

Kung ibabalik natin ang bangketa para sa mga tao, at ang kalsada para sa mga sasakyan, kailangan maging mahigpit ang lokal na pamahalaan sa pagtanggal at permanenteng ipagbawal ang mga tindahan at kainan sa mga bangketa. Pero dahil halalan ngayong taon na ito, sa tingin ko ay hindi ipatutupad iyan at baka mawalan pa sila ng boto! Mawala na ang daanan ng tao, mawala na ang daanan ng sasakyan, huwag lang mawala ang kanilang mga boto! Kung ayaw aksyunan ng mga lokal na pamahalaan, ahensiya ng gobyerno, ang dapat umaksyon para mawala na ang lahat ng balakid sa bangketa!

Show comments