MAGALAK tayo’t magdiwang! Ito ang sinabi ni Pedro sa kanyang pagpapatunay sa muling pagkabuhay ni Hesus. Ipinagkaloob ng Diyos ang Espiritu Santo at kapangyarihan sapagka’t Siya ang hinirang. Ipinako Siya sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw. Sinasabi ni Pablo na isipin natin tuwina ang mga bagay na panglangit at hindi lamang panlupa sapagka’t muli tayong binuhay ni Hesus.
Maging tayong mga Kristyano ngayon ay lubusan ang ating pagdiriwang. Tayong lahat ay muling nagpupuri kay Hesus sa Kanyang muling pagkabuhay. Mga bulaklak sa ating mga altar ay pawang mga puti ang kulay. Magpakasaya tayo at magdiwang. Alleluia, Alleluia. Amen!
Madilim pa ng araw ng Linggo ay pumunta na sa libiÂngan sina Maria Magdalena, Pedro at alagad na mahal ni Hesus. Hindi nila makita ang bangkay ni Hesus. Ang natagpuan nila roon ayon kay Lukas ay dalawang lalaking nakasisilaw ang damit at sinabi sa kanila: “Wala siya rito, siya’y muling nabuhay.’’ Resurexit, non est hic.
Namatay at inilibing si Hesus ng Biyernes. Bakit Linggo pumunta sina Pedro sa libingan? Ang Sabado ang dakilang araw ng mga Hudyo ayon sa utos ng Diyos. Kaya hindi sila puwedeng pumunta sa libingan, magtrabaho o gumawa ng anumang bagay. Kaya madaling araw ng Linggo sila nagtungo sa libingan. Doon ang nakita lamang nila ay kayong lino at panyong ibinalot sa ulo. Nakatiklop ang mga iyon at maayos na nakalagay sa isang tabi.
Ang araw na ito ng muling pagkabuhay ay ang tagum-pay ng misyon ni Hesus para sa ating mga mananampalataya. Nagtagumpay Siya sa Kanyang pangangaral, pagkaawa, pagpapagaling, pag-ibig, pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Iniligtas Niya tayo sa kaparusahan ng apoy. Kaya naman tayo ay lubusang magpakabuti at magpatawad sa ating kapwa. Kataka-taka ang ating bansa na ang Pasko ng Pagsilang ang lubusang ipinagdiriwang. Ang pinaka-mahalaga ay ang Muling Pagkabuhay, ang simbolo ng matagumpay na pagtubos sa atin ni Hesus laban sa kasalanan.
Gawa10:34-43; Salmo117; Col3:1-4 at Jn20:1-9
* * *
Happy Easter at happy birthday kina Gabriel Reckson H. Esposa at Imee Lleva Acevedo ng New York, USA.