EDITORYAL - Pag-asa

BAGO sumapit ang Mahal na Araw, maraming insidente ng pagkakamatay ang nangyari. At karaniwang ang dahilan ng kanilang pagkakamatay ay dahil sa kawalan ng trabaho, kawalan ng pera at kawalan ng makakain. Mayroon din namang insidente na nagpakamatay dahil iniwan ng asawa. At nakapanlulumo na pati mga kabataan ay kinikitil ang sariling buhay dahil sa problema – problema sa tuition at merong problema dahil inaaway ng kaklase o binu-bully. Iba’t ibang uri ng pagkakamatay ang ginagawa – may nagbabaril sa sarili, may nagbibigti at may umiinom ng lason o tumutungga ng silver cleaner gaya ng ginawa ng isang estud-yante sa UP kamakailan.

Nawalan ng pag-asa ang mga nagpakamatay. Akala nila, wala nang solusyon ang kanilang problema. Hindi nila alam na sa kabila nang maitim na ulap ay naroon ang maningning na sikat ng araw. Natatakpan lang ng ulap ang sinag at anumang sandali ay mawawala rin ang nakatakip na ulap. Ang lahat ay may solusyon. Hindi ang pagkitil sa buhay ang kasagutan sa mga problema.

Isang magandang halimbawa ay ang isang estudyanteng lalaki sa Mindanao na walang mga kamay subalit nakapagtapos ng high school kamakailan lang. Isinilang na walang mga kamay ang lalaki subalit hindi naging hadlang ang kapansanan para hindi ipagpatuloy ang pangarap na makapag-aral. Ayon sa estudyante pangarap niyang makatapos ng kolehiyo. Hindi umano siya nawawalan ng pag-asa sa buhay. Laging positibo ang kanyang pananaw. Lubhang kahanga-hanga ang estudyante na hindi nawalan ng pag-asa at bagkus ay sobra-sobra. Tinalo niya ang mga normal na tao na sa kaunting hagupit ng problema ay agad na kinitil ang sariling buhay.

Ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ni Hesus ngayong araw na ito ay iisa ang mensahe sa lahat ng tao: Pag-asa. Laging magkaroon ng pag-asa sa buhay. Huwag manghihina ang loob sa mga problemang dumarating sa buhay. Ang problema ay tulad ng maitim na ulap sa kalangitan na nakaharang lang pansamantala sa matinding sikat ng araw. Mahahawi rin ang maitim na ulap at makikita at madarama ang matinding sikat ng araw. Iyon ang pag-asa. Kapag matibay ang pag-asa, matibay din ang paniniwala sa Diyos.

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa lahat!

Show comments