IPINAGDIWANG kahapon ni Manong Ernie ang kanyang 78th birthday. Mula nang una siyang nahalal bilang Konsehal ng Maynila sa edad 23, 55 years na ng buhay ni Manong Ernie ang inialay sa serbisyo ng mamamayang Pilipino.
Kung susuriin ang kontribusyon ni Manong Ernie sa kasaysayan, agad iisipin ang mataas na panunungkulan na kanyang hinawakan sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon. Senate President at Ambassador to Washington ang unang maaalala. Bago dito’y naging Senador si Manong Ernie ng tatlong beses at naitalaga bilang miyembro ng Gabinete sa limang iba’t ibang kagawaran.
Hindi karaniwang public servant si Senador Maceda. Wala itong hinawakang puwesto na hindi niya dinala ang kanyang natatanging istilo ng paglilingkod. Isa siyang workaholic at perfectionist. Pinaka-maagang pumasok, pinakahuling umuwi. Always perfect attendance. Pinaka-maraming panukala na binalanse rin ng pinaka-maraming privilege speech. Maaasahan sa kanya na laging hihimayin ang isyu at hindi basta basta papayag sa “tayo-tayo†na pambabatas.
Mahigpit si Manong Ernie sa trabaho. Subalit ito’y paghigpit na naghahatid ng pakinabang sa ating mamamayan. Dala ito pihado ng kanyang mahabang tradisyon ng excellence sa lahat ng sinubukan sa buhay. Mula sa grade school hanggang sa Law School, si Manong Ernie ay laging valedictorian. Nagpunta pa ito sa Harvard Law School para magdalubhasa at doon ay kinilala rin ang kanyang pagpupursigi. Outstanding Cabinet member at nang mag-senador ay hinirang na valedictorian ng Senado.
Hindi na kailangang suriin pa ang kuwalipikasyon ni Senador Maceda dahil lahat tayo’y nakikinabang na sa kanyang kontribusyon sa lipunan. Ang tuwid na daan na tinutulak ng administrasyon ay matagal nang naumpisahan ni Manong Ernie sa tuwing titindig ito sa Senate floor at i-expose niya ang katiwalian na iilan lamang ang may lakas ng loob na ibulgar. Mabibilang sa daliri ng isang kamay ang mga Pilipino na tulad niyang halos lahat ng posisyon sa gobyerno ay nakabisado na. Ito ang tunay na bentahe ng malawak na karanasan ni Maceda.
Muli, happy birthday Manong! Sana’y mabigyan ka pang muli ng pagkakataon na makapaglingkod sa bansa.