Tulong sa industriya ng niyog

ANG niyog ay tinaguriang “tree of life” dahil sa napakaraming pakinabang sa iba’t ibang bahagi nito.

Nalilikha mula sa niyog ang hindi bababa sa 30 uri ng produkto na pawang malakas sa merkado hindi lang sa ating bansa kundi pati sa ibayong dagat. Sa ating bansa nagmumula ang 60 hanggang 80 porsiyento ng coconut oil na ginagamit ng buong daigdig.

Ang industriya ng niyog ay malaki at mahalagang bahagi ng ating agrikultura, ekonomiya at kabuhayan ng mahigit 20 milyong kababayan at nagpapasok ng mahigit $800 million na kita taun-taon sa bansa.

Subalit napansing humihina ang industriya ng niyog. Sa paglipas umano ng mga taon ay malaki na ang na-ging decline ng industriyang ito. Ilan sa mga dahilan nito ay ang kakulangan sa pangangalaga sa mga puno at lupang taniman, malawakang pagputol ng puno upang gamiting coco lumber, land conversion at mga kalamidad.

Dahil dito, inihain ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang Senate Bill 450 na magpapalakas sa kasalukuyang Republic Act 8048 (An Act Providing for the Regulation of the Cutting of Coconut Trees, Its Replenishment, Providing Penalties therefore and for other Purposes).

Ilan sa mga pangunahing probisyon ng panukala ay ang: 1) paggamit ng tulong ng mga eksperto para sa tamang pagtatanim, pag-aalaga at pag-aani ng niyog; 2) paghihigpit sa pagputol ng punong niyog; 3) nararapat na magtanim ng hindi bababa sa dalawang bagong puno ng niyog kapalit ng bawat isang puputulin kung ito ay masyado nang matanda, hindi na productive o may sakit na; 4) pagtatanim naman ng hindi bababa sa limang bagong puno kapalit ng bawat isang puputulin kung ito ay gagamitin bilang coco lumber.

Ayon kay Jinggoy, sa mga hakbang na ito ay ma­ isusulong ang agarang tulong sa industriya ng niyog at mapalalaganap ang pagpapahalaga sa industriyang bilang bahagi ng pag-unlad ng ating bansa.

 

Show comments