EDITORYAL - Usad-pagong na resolution

MABAGAL talaga ang Commission on Elections­ (Comelec) sa pagbibigay ng resolusyon sa mga kaso kabilang na ang election protest na isinampa ng natalong kandidato. Kung ang mga kaso ng pagpatay ay matagal na nabibimbin sa mga hukuman at korte at kinakamatayan na ng mga nagsampa, mas lalong mabagal sa pagresolba sa election protest ang Comelec. At sa maniwala at sa hindi, may mga nagsampa ng kaso na lumilipas pa ang ilang taon bago mabigyan ng resolusyon. At mayroon din naman kung kailan malapit na ang election at nakababa na sa puwesto ang  sinampahan ng kaso. Mayroong ilang araw na lang ang nalalabi sa termino saka lalabas ang resolusyon na nagsasabing ang talunang kandidato ang nanalo at dapat nang i-vacate ng kasalukuyang nakaupo ang inaangking puwesto.

Ganito ang nangyayari ngayon sa Imus, Cavite kung saan ay inutusan ng Supreme Court na bakantehin ni Mayor Emmanuel Maliksi ang puwesto upang ibigay sa kalaban  nitong si Homer Saquilayan. Ang resolusyon ay nag-ugat sa sinampang kaso ni Saquilayan noong 2010 laban kay Maliksi. Lumalabas na lumamang si Saquilayan kay Maliksi. Ang nakuhang boto ni Saquilayan ay 48,521 votes samantalang 40,092 kay Maliksi. Nagbabarikada sa municipal hall ang mga supporters ni Maliksi sapagkat ayon sa kanila, walang bisa ang pinalabas na writ of execution ng Comelec na nag-aalis sa kanya sa puwesto. Hindi rin daw dapat Comelec ang magbibigay ng utos kundi ang Regional Trial Court. Ayon sa supporters ni Maliksi, hindi sila aalis sa munisipyo.

Ang kaso nina Maliksi at Saquilayan ay isa lamang sa maraming problema na hindi agad maresolba ng Comelec. Bakit kailangang tumagal ang pagbibigay ng resolusyon? Bakit kailangang paabutin pa ng ilang taon at kakatwa pa na kung kailan tapos na ang termino saka magpapalabas ng resolusyon? Pambihira talaga ang Comelec!

 

Show comments