Rubout

INENDORSO ni Presidente Aquino ang resulta ng imbes­tigasyon ng NBI sa tinatawag na Atimonan shootout, at inutusan ang DOJ na sampahan na ng mga kasong multiple murder sina Chief Supr. James Melad at Supt. Hansel Marantan, at iba pang sangkot sa operasyon. Walang shootout, kundi rubout ang umano’y naganap noong Enero 6 sa Atimonan, Quezon kung saan 13 ang napatay. Tugma ang imbestigasyon ng PNP at NBI, na sinang-ayunan ni Aquino. Kaya nahaharap na sa mga kasong kriminal at administratibo, kasama pa ang obstruction of justice dahil sa pagtangkang takpan ang totoong naganap. Ang mga sundalo na nakibahagi rin sa pagbaril sa grupo ni Vic Siman ay kakasuhan din sa military court. Eksaktong dalawang buwan mula nang maganap ang rubout, may makakasuhan na!

Maganda ang balitang ito. Ang gusto kong malaman, at pati na rin siguro ng karamihan ng mamamayan, ay kung makukulong ang mga salarin, kung mapatunayang may sala. Tandaan na si Marantan ay may mga kasong nakabinbin pa hanggang ngayon, tulad ng Ortigas rubout at Panañaque shootout, pero aktibo pa rin sa PNP. Nakibahagi pa nga sa Atimonan rubout! Madulas ang pulis na ito, kaya hindi ako magtataka kung mabigyan pa ng promosyon habang may nakasampang multiple murder case. Ganyan ang sistema sa PNP. May kaso pero nabibigyan pa ng promosyon!

Sa AFP naman, ganundin! Baka maganda lang ang balitang ito sa ngayon, pero kung aabot sa kulungan ang mga may kasalanan ay Diyos na lang ang nakakaalam. Mga kaso laban kina Carlos Garcia at Jacinto Ligot ay hanggang ngayon, wala pang linaw kung ano ang mangyayari! Di pa alam kung makukulong, o maaabsuwelto! Ganyan din ang sistema sa AFP.

Maganda kung kasimbilis ng kasong impeachment laban kay dating Chief Justice Renato Corona ang mga kasong isasampa sa mga nakibahagi sa Atimonan rubout. Pero hindi ganun kasikat ang kaso, kaya baka mabaon na naman sa limot at mga maniobra ng mga abogado. Katulad ng mga kaso laban kay Marantan. Ano na ang nangyayari sa mga iyon? Umuusad ba? O may mga puwersa na humaharang nito, dahil may mas mataas pang mga opisyal ang malilintikan? Napakaraming anggulo nga ang lumulutang kung bakit pinatay ang grupo ni Siman, na dapat bigyang pansin at halaga sa mga kaso. May dahilan kung bakit sinigurado na hindi sila mabubuhay, di ba? Sana magtagumpay ang hustisya.

Show comments