“Hagaran sa NLRC”

Kamakailan ay napabalita ang isang Provincial Prosecutor na si Atty. Richard Lee mula sa lalawigan ng Masbate. Dahil ito sa ginawa niyang pagtangay ng halagang DALAWANG MILYONG PISO.

Base sa kopya ng ‘sinumpaang salaysay’ ni Atty. Melan Espela, isang in House Counsel / HR Manager ng FORTUNE MEDICARE, sa loob daw mismo ng tanggapan ng National Labor Relations Commission (NLRC) tinangay ni Atty. Richard Lee ang pera.

Ang perang ito ay para sa ‘amicable settlement’ na ibabayad kay Atty. Lee ng dati niyang employer na Fortune Medicare Inc.

 Ika- 1 ng Marso 2013, bandang 10:00 ng umaga dumating si Atty. Espela  sa NLRC. Kasama niya si Rose Gahunia, Treasury Officer ng Fortune Care.

Dumiretso sila sa opisina ni Labor Arbiter Atty. Fatima Franco.  Dinatnan nila doon si Atty. Lee. Nakaupo at may kasamang lalaki na may dalang bag na itim.

Nandun din ang ilang staff ni Atty. Franco na sina Julieta Nicolas, Yolanda Mesa at Rene Masilungan.

Iniabot ni Atty. Espela ang isang ’Compromise Agreement’ kay Atty. Lee. Nakasaad doon na sila’y nagkakasundo na aayusin ang isyu sa Labor Case sa halagang DALAWANG MILYONG PISO. 

Bukod pa diyan ipinakita rin ni Atty Espela ang isang ‘Urgent Joint Omnibus Motion to dismiss cases and for immediate lifting of notice of garnishment upon amicable settlement’.

Nagsiguro si Atty. Lee at sinabing, “Nasaan ang pera? Gusto ko munang makita bago ko pirmahan itong dokumento”.

Nasa armored car sa baba kaya agad na nakisuyo si Atty. Espela kay Rose na siya namang pinaakyat ang pera. Pinaliwanag naman daw ni Julieta na bukod raw sa settlement ay may babayaran pa daw sila na ‘execution fee’ na nagkakahalang Php31, 911.81. Nagkasundo sila na uunahin muna ang settlement at isusunod na lang ang` execution fee.

Pagdating ng pera ay pinalipat sila ni Julieta sa ‘conference room’. Dalawang metro ang layo sa receiving area kung saan nandoon sina Yolanda, Julieta at Rene.

Pagdating sa conference inilabas ni Rose ang mga nakabugkos na pera galing sa brown envelope. Agad inumpisahan ang bilangan kasama ang alalay ni Atty. Lee. Si Atty. Espela naman ay nasa likuran at inaayos ang mga dokumentong pipirmahan.

Nang kumpirmahing kumpleto ang pera ay hiniling ni Atty. Espela na pirmahan na ni Atty. Lee ang mga dokumento ng Compromise Agreement at Omnibus Motion.  Tumanggi raw si Piskal Lee.

Naiba ang takbo ng usapan  at sinabi ni Atty. Lee na, “Kukunin ko ang pera at partial settlement lang ng labor case ito”.

Nagulat si Atty. Espela dahil ang pinag-usapan nila ay ang halagang 2 MILYON na ang bayad para sa kabuuang settlement.

Pasigaw na sumagot si Atty. Lee at sinabing, “Ginago nila ako dati kaya ngayon ako naman ang manggago sa kanila kaya patas lang”.

Nung punto na iyon ay nagsipuntahan ang mga staff ni Atty. Franco. Nagtanong kung anong nangyari. Sinabi ni Atty. Espela na iba ang kanilang napag usapan sa gustong mangyari ni Atty. Lee.

Sumagot si Julieta, ‘Kung ganon ‘wag ninyo na lang kunin ang pera at ituloy na lang ang execution of properties ng kumpanya”.

Agad na tumawag si Atty. Espela kay Atty. Socrates Arevalo sa telepono. Paakyat na raw ito ng building. Sinabi ni Atty. Espela na hintayin si Atty. Arevalo para sila na lang ni Atty. Lee ang mag –usap.

Makaraan ang dalawang minuto ay tumayo si Atty. Lee. Pumunta sa may receiving area at sumilip sa labas. Pagbalik sa conference room ay may kasama ng dalawang malaking lalaki.

Sumagot si Atty. Espela, “Wala tayong mapagkakasunduan sa ngayon, iba naman ang gusto mong mangyari, hindi mo makukuha ang pera na yan”.

Nagmatigas si Atty. Lee at sinabing, “Nandito na yan kaya kukunin ko na yan” sabay senyas sa mga tauhan niya para kunin ang pera.

Agad na pumalag si Atty. Espela at hinawakan sa braso ang Piskal para subukang pigilan. “Richard ang labo mong kausap”. Tinabig lamang daw siya ni Atty. Lee at sumagot na “’wag ka ng lumaban”.

 Hinila ni Atty. Lee ang tauhan nito na may dalang bag kung saan nakalagay ang pera at pinadaan sa likod niya. Pinigilan ito ni Atty. Espela at hinabol ang lalaking may hawak na pera ngunit tinabig din siya sabay harang ng isa pang tauhan ni Atty. Lee.

Natakot si Atty. Espela na baka may dalang mga baril ang mga ito.

“Pilit kong hinabol ang tauhan ni Atty Lee na palabas ng pinto. Natapik ko ang balikat niya at buweltang palingon sa akin na parang may huhuguting baril kaya napaatras ako’, wika ni Atty. Espela.

Tuluyan ng nakalabas ang mga ito ng opisina ni Atty. Franco. Sinundan niya ito hanggang pababa ng hagdan. Nakita ni Atty. Espela si Atty. Arevalo na nakaupo sa may hagdan kaya pasigaw na sinabi niyang, “Si Atty. Lee tinangay ang pera”.

Naabutan niya sa baba si Atty. Lee ngunit ang dalawang lalaki na may dala ng bag ay papalabas na. Wala rin nagawa ang mga guwardyang gulat din sa pangyayari.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pangyayaring ito ay isang tahasang pagpapakita na ang isang Prosecutor na inatasang magpatupad ng batas ang siyang lumalabag nito. Inilagay niya sa kanyang mga kamay ang usapang maayos na. Dapat ay bigyang pansin ito ni Secretary Leila de Lima dahil ito ay isang dagok sa lahat ng mga State Prosecutors at sa kagawaran ng katarungan. Maganda ring atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na pumasok sa kasong ito upang matunton ang kinaroroonan ni Atty. Richard Lee.

Humihingi ang pulis ng kopya ng footages na nakunan umano ng CCTV sa nasabing gusali. Maganda rin na lumutang itong si Prosecutor Richard Lee para mabigay ang kanyang panig sa pangayyaring ito. (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166, 09198972854 at 09213784392 Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

 

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments