NAPAGKUWENTUHAN namin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang report ng Commission on Audit na ilang bahagi raw ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) gayundin ng ilan pang mambabatas ay napunta sa isang umano’y pekeng NGO.
Sa proseso ng paggamit ng PDAF, hindi dumadaan sa kamay o opisina ng mga mambabatas ang pondo dahil ang direktang nangangasiwa nito ay ang mga ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng proyekto. Ang mga mambabatas ay nag-aapruba lang ng paggamit ng kanilang PDAF batay sa rekomendasyon ng ahensiya kung aling grupo at proyekto ang bibigyan ng pondo. Bahagi ng tungkulin ng ahensiya na tiyaking lehitimo ang grupong humihingi ng pondo, at tiyakin ding talagang naisasagawa ang proyekto.
Base sa impormasyon, inirekomenda ng Department of Agriculture para pondohan ng mga mambabatas ang sinasabing NGO na Pangkabuhayan Foundation, Inc. o PFI pati ang mga proyekto umano nito na intensified farm mechanization, procurement and distribution of hand tractors, water pumps, planting materials, high value fruit trees and vegetable seeds, at livelihood development and trainings for farmers and farmers’ organizations. Pero ayon sa COA, bogus o pekeng NGO ang PFI at hindi rin totoo ang mga sinabi nitong proyekto dahil hindi ito natanggap, napakinabangan o nakita man lang ng mga magsasaka.
Inatasan na ni Jinggoy ang kanyang staff na maghanda ng resolusyon upang paimbestigahan ang naturang isyu. Makabubuti rin aniya kung magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon dito ang iba’t ibang ahensiya.
Dagdag ni Jinggoy, ayaw niya agad tanggapin ang opinyon ng iba’t ibang sektor na bahagi lang ito ng intrigahan sa pulitika lalo na’t itinaon ang paglabas ng
COA report ngayong panahon ng kampanya para sa 2013 election at mayroon na ring mga paghahanda para sa susunod na halalan sa 2016, pero makabubuti aniyang ilabas ng COA ang audit nito sa kinapuntahan ng PDAF ng lahat ng mga mambabatas upang hindi naman lumabas na “singled out†lang sila.