Banggaan ng kultura

NAIINTINDIHAN ko ang mga taga-Hong Kong. Marami ang nainis, mga iba nagalit pa nga, sa ginawang pag-ihi ng isang bata sa isang bote na dala ng kanyang ina, sa loob ng isang kainan sa Hong Kong. Para malaman lang ninyo, ang ina at bata ay pawang mga taga-mainland China. Umabot pa nga sa internet ang pagbatikos at pagpintas sa nasabing insidente, pero sumasagot naman nang palaban ang mga taga-China. Mga maaarte raw ang mga taga-Hong Kong, na mga tuta raw ng Ingles. Mga aso lang daw ang umiihi kahit saan, sagot naman ng isang taga-Hong Kong. Ganito ang bawian sa internet ngayon.

Maaalala ninyo na ang Hong Kong ay nasa ilalim ng pamahalaan ng United Kingdom ng ilang dekada. Noong 1997 lang ibinalik ng UK ang Hong Kong sa China. Pero dahil sa tagal nilang nasa ilalim ng mga Ingles, pati kaugalian nila ay medyo nakuha na rin nila. Sa madaling salita, medyo nakuha nila ang mga ugaling kanluran. Sabihin na medyo sosyal sila. Kaya naman malinis ang Hong Kong, nasa oras lahat, maayos ang patakbo ng lahat. Lahat iyan, nakuha nila sa mga Ingles.

Pasok naman ngayon ang mga taga-mainland China, na medyo galing sa mga bukid o probinsya, na hindi naman nasanay sa buhay ng isang modernong siyudad. Maraming taga-mainland ang yumaman na dahil sa ganda ng kanilang ekonomiya, kaya nakukuha nang bumiyahe sa Hong Kong. Pero dito na medyo nagbabanggaan ang kaibahan ng ugali at kultura. Kung sa mainland China ay karaniwan lang ang paihiin sa bote kahit saan ang mga bata, sa Hong Kong ay hindi ginagawa ito. Mabuti na lang at walang Pilipinong umiihi sa mga pader, di ba? Kung sa mainland ay karaniwan ang dumura kahit saan, sa Hong Kong ay sinisimangutan ito. Kung sa mainland China ay okay lang ang tulakan at singitan sa pila ng  kainan, sakayan, o ba­ya­ran sa tindahan, sa Hong Kong ay bawal ito. Kaya talagang magbabanggaan sila pag nagkataon!

Sinabi ko na niin­tin­dihan ko ang mga taga-Hong Kong. Mismo ako at ang aking pamilya ang nakatikim ng kabastu-san (para sa atin) ng mga taga mainland China. Nakatikim kami ng ma-tinding tulakan sa isang aquarium, nakaranas kami ng mga sumisingit sa linya ng pagka­in. Ilang beses nga namin silang pinagsabihan, pero hindi naman kami pinansin! Mga manhid talaga sa kanilang kakaibang ugali. Luma­labas pala na lumalaking problema na ito sa Hong Kong, habang parami nang parami ang nagtutungong tao mula sa mainland. Pero hindi rin naman nila puwedeng pagbawalan ang mga ito, dahil sa may dala sila na kanais-nais para sa mga taga-Hong Kong.

Pera.

Show comments