LABINLIMANG buwan na sa puwesto si Customs commissioner Ruffy Biazon pero hanggang ngayon, patuloy pa rin ang smuggling ng bigas. Tila nagkamali si President Aquino sa pagpili kay Biazon sapagkat hindi nito mapigil ang rice smugglingÂ. Hindi kaya masira ang tinatahak na “daang maÂtuwid†dahil sa walang tigil na rice smuggling? Kung gaano katalamak ang rice smuggling sa nakaraang admiÂnistrasyon, halos ganito rin ngayon at walang ibang kawawa rito kundi ang mga karaniwang magsasaka. Pinapatay ng rice smuggling ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Nakaka-intercept nga ang Customs ng mga smuggled na bigas pero hindi naman nila matukoy kung sino ang consignee nito. Isang misteryo kung bakit hindi malaman kung sino ang nagmamay-ari ng mga bigas. Katulad ng na-intercept na 5,000 sako ng bigas sa Mindanao Container Terminal, Tagoloan, Misamis Oriental. Nagkakahalaga ang bigas ng P9-milyon. Galing ang shipment sa Vietnam at nakalagay sa 10 containers. Dumating ang shipment noong Hulyo 2012 at pinigil ng Customs sapagkat walang kaukulang papeles para sa importasyon. Noong nakaraang Martes lamang ito dineklarang kontrabando at ayon sa Customs ay idadaan sa auction. Ang kikitain daw sa auction ay dagdag din sa kaban ng Customs.
Ang galing ng paraang ito. Pagkalipas ng anim na buwan ay saka lamang idedeklarang i-auction. Bakit hindi imbestigahan kung sino ang consignee? Hindi kaya mga corrupt din na opisyal at tauhan sa Customs ang kakutsaba. Kung idadaan sa auction, tiyak na ang mananalo rin sa bidding ay ang mismong consignee. Siya rin ang panalo. Hindi na siya nagbayad ng tax sa Customs, siya pa ang magiging legal nang magmamay-ari ng mga bigas.
Babaha ang bigas na imported sa mga palengke at ang mga local na ani ng mga magsasaka ay hindi mabebenta. Mas mababa pa ang presyo ng smuggled kaysa sa mga local na ani. Kawawang mga magsasaka na bago makapag-ani ay maraming hirap at gastos ang tinamasa. At sa isang iglap ay mawawalang-saysay dahil sa smuggled rice.
Kumilos sana ang commissioner ng Customs para makita ang sinasabing “tuwid na daanâ€.