Liberalisasyon ng Komersyo

NAGDAOS kahapon ng matagumpay na Information Seminar ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pakikipagtulungan ng De La Salle University (DLSU) College of Law at College of Business at ng Philippine Association of Law Schools tungkol sa mga Free Trade Agreements (FTAs) na pinasok ng Pilipinas sa ibang mga bansa. Humahabol na rin tayo sa iba nating kapitbahay sa bilang ng FTAs na sinasalihan. At, kontra sa dating karanasan  na panay lang pasok natin sa FTA na hindi rin naman napakikinabangan, ngayon ay mas pursigido tayong samantalahin ang probisyon ng mga ito upang makatulong sa pag-unlad ng mga industriya, propesyon at negosyo.

Hindi natin matakasan ang globalisasyon – sa ekonomiya, pulitika, kalusugan. Kahit ang pinakatahimik na hatsing sa mga bundok ng Mongolia ay maririnig at eepek­to sa mga lungsod sa Inglatera. Gustuhin man o hindi, lalong nagiging konektado ang ating mga ekonomiya. Dahil dito ay kailangan nating maging bukas sa malayang pagpasok ng mga produkto at serbisyo ng ibang bansa na sila ring tatanggap sa ating mga lokal na produkto at serbisyo. Ganitong liberalisasyon ng Komersyo ang target ng mga FTA. Tulad ng karaniwang kontrata, nakasaad sa FTA ang lahat ng napagkasunduan ng mga bansang kalahok.

Gaya rin ng karaniwang kontrata, hindi maiwasan ang mga sitwasyon kung saan may lalabag sa mga probisyon nito. Kung hindi man paglabag, siguradong may hindi pagkakaunawaang magaganap. Kung ang kontrobersiya sa karaniwang kontrata ay maaring dalhin sa anumang hukuman upang resolbahan, para sa FTAs ay mayroon ding mga tinatag na mekanismo para sa resolusyon ng  problema sa pagitan ng mga bansa. Kaya nahihinog din ang pagkakaroon ng ganitong International trade law practice ang ating mga abogado. Napapanahon din siyempre na maituro din ang kursong ito sa ating mga law school.

Kahapon nga ay nagtipon ang mga law student at business majors mula sa ibat ibang mga unibersidad ng Maynila upang mapag-aralan at mapag-alaman ang benepisyong dulot ng mga FTA. Ang ganitong inisyatibo ng mga organisasyon tulad ng DTI, ng DLSU at PALS ay malaking tulong upang masulit natin ang pakinabang nga mga ito.

 

Show comments