Balik mano-mano?

SANDAMAKMAK na namang batikos ang tinanggap ng COMELEC matapos pumalpak sa dry run ang mga makinang gagamitin sa May 13 midterm elections.

Ang sabi ng COMELEC “success” daw o tagumpay ang mock elections sa kabila ng  ilang kaso ng hindi pagbasa ng mga precinct count optical scanners (PCOS) sa resulta ng isinagawang dry run.Sabi ni COMELEC Chair Sixto Brillantes puwedeng ayusin ang mga nasilip na depekto bago ganapin ang eleksyon sa Mayo pero may mga sector na naggigiit na palitan ang mga makina. Subalit kulang na sa apat na buwan ang eleksyon at sa tingin ko’y wala nang panahon para magsagawa ng mga transaksyon sa pagbili ng mga bagong makina.

Iyan din ang paniniwala ni Brillantes kaya ang babala niya, kung ipipilit ng mga election watchdogs na palitan ang mga makina, malamang bumalik tayo sa mano-manong bilangan na gustong gusto ng mga tiwaling kandidato dahil puwedeng dayain.

Sabagay, computerize man o hindi ang halalan, tila hindi nawawala ang pandaraya. Kung mano-mano – low tech and pandaraya at kung computerize naman – high tech din ang dayaan!  Yes, ganyan ka-resourceful ang mga  Pinoy. Sabi nga – If there is a will there is a way! Madaling mag-adapt sa nagbabagong sistema.

Ang nangungunang rason kung bakit ginawang computerize ang halalan ay para  mabawasan kundi man  tuluyang maiwasan ang mga pandaraya. Ngunit kung ganyang nagloloko ang mga makina at kayang hadlangan ang operasyon nito sa pamamagitan ng jammers, baka kailangang pag-isipan maigi kung dapat pang ipagpatuloy ang computerized polls. Unang-una, hindi birong halaga ang ibinabayad diyan na mula sa buwis ng taumbayan.

Dapat marahil ay lalu pang paigtingin ng mga non- government groups at election watchdogs ang pagmamanman sa mga eleksyon para mahadlangan ang ano mang tangkang mandaya.  Mahirap gawin iyan pero kung nais nating magkaroon ng malinis na halalan, dapat talaga ang pagkakaisa ng bawat sektor sa ating  lipunan.

Show comments