Brillantes, tuliro sa awayan ng Smartmatic, Dominion

MERONG matatanda na ayaw matuto ng mga modernong gawi, tulad ng pag-computer, e-mail, Facebook, Twitter, at smartphone. Kontento na sila sa nakagawiang typewriter, koreo, at telepono. Meron din matatanda na sinisikap maging moderno, pero sadyang hindi maintindihan kung paano gumagana ang hi-tech gadgets.

Isa marahil sa huli si Sixto Brillantes, 72 anyos na chairman ng Comelec. Nasa gitna siya ng awayan ng Smartmatic Corp. at Dominion Voting Services, na dating magkasosyong nag-lease ng 76,000 precinct count optical scanners sa Comelec nu’ng halalang 2010. Para sa kanya, “pera-pera” lang ang pinag-aawayan ng dalawa. Hindi niya magagap na kung hindi maisaayos ang gusot ng dalawa, hindi rin mao-automate ang eleksiyon sa Mayo 2013. At mapapahiya sa buong mundo ang Pilipinas.

Binibili na kasi ng Comelec ang 76,000 PCOS ma­chines, at dagdag pang 6,000 unit, sa kabuoang kon­tratang P9 bilyon para tagabilang ng boto. Dominion (ng Canada) ang nag-develop ng PCOS at may-ari ng software na nagpapaandar nito. Taga-benta lang ang Smartmatic (ng Venezuela) nu’ng 2010; kung tutuusin, ang totoong produkto nito, ang direct reading electronic counter, ay kalaban ng PCOS.

Matapos ianunsiyo ng Comelec nu’ng Marso na bibilhin na ang kabuoang 82,000 PCOS units, lumala naman ang kompetisyon ng Smartmatic at Dominion sa Mongolia at Puerto Rico. Naghablahan sila sa America. Tinanggalan ng Dominion ang Smartmatic ng lisensiya na magbenta at magpaandar ng PCOS nito.

Sa madaling salita, wa­ lang source code para mabilang ang boto. Hindi lang ‘yun, lalabas na pinaka-malaking software pirate sa buong mundo, sa halagang P9 bilyon, ang gobyerno ng Pilipinas.

* * *

Makinig sa Sapol, Sa­bado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments