SA kabila ng election gun ban na ipinatupad ng COMELEC at ng PNP, hindi maawat ang kabi-kabilang patayan na ang gamit ay baril. Sa dami ng nagaganap na ratratan sapul ng ideklara ang gun ban at magtalaga ng checkpoints, parang lalu pang sumahol sa imbes na mabawasan ang mga shooting incidents.
Kamakalawa lang, isang Canadian ang namaril at nakapatay ng tatlo katao at matapos yaon ay nagbaril din sa sarili. Nangyari ang madugong insidente sa loob mismo ng isang Korte sa Cebu sa Cebu City.
Paano nakalusot ang isang taong may baril sa loob ng court room lalu pa’t ang suspect ay humaharap sa kasong illegal possession of firearms? Tiyak, PNP na naman ang masisisi at sasabihing hindi tumutupad sa tungkulin. May gun ban man o wala, bawal magbitbit ng sandata ang mga pumapasok sa court room maliban sa mga pulis na umaalalay sa mga nililitis na respondents.
Ilang oras pa ang lumipas kamakalawa ng gabi isa namang ambush ang nangyari sa Quezon City na kumitil sa buhay ng isang lady Mayor. Patay ang alkalde ng Maconacon, Isabela na si Erlinda Domingo habang sugatan din ang kanyang driver matapos pagbabarilin sa parking lot ng isang apartelle sa kanto ng Examiner at Quezon Avenue sa lungsod kamakalawa ng gabi. Hindi na natin ididetalye ang mga balitang ito na alam na ng halos lahat.
Nakababahala ito dahil nagpapahiwatig na wala nang takot sa batas ang mga kriminal at nakalulusot sa mga itinalagang checkpoints.
Naiisip ko rin na baka traumatized ang mga tagaÂpagpatupad ng batas at andap na manita sa mga checkpoints dahil baka magÂkaratratan at maulit ang insiÂdente sa Atimonan, Quezon na naglagay sa hot water sa mga operatiba.
Isa pa, parang porma-lidad lang ang mga CO-MELEC checkpoints dahil hindi naman talaga binubulatlat ang sasakyan ng mga sinisita. Pinipigil lang sandali ang mga sasakyat at pasisinagan ng flashlight ang sasakyan, tapos paaalisin na. Palagay ko ay dapat maging masinsin sa pagbusisi ang mga tumatao sa checkpoints para maging epektibo ang kampanya laban sa pagbibitbit ng baril.
Kung kailangang bigyan sila ng search warrant ng korte, eh di bigyan para hindi nagiging useless ang mga checkpoints. Kung ako ang tatanungin, payag akong mabusisi dahil ito’y sa ikabubuti ng lahat.