KAIBIGAN may medical folder ka ba? Sa tingin ko ay wala ka nito.
Napakahalaga ang pagkakaroon ng medical folder ng bawat isa, lalo na sa ating OFWs. Heto ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng sariling medical folder:
1. Malaking tipid sa gastos -- Sa aming mga medical mission, maraming pasyente ang walang record ng kanilang mga laboratory tests. Kapag nagtatanong ang pasyente kung ano ang dapat gawin sa kanilang sakit, ang una kong hinahanap ay ang dating lab tests. Kadalasan ay may ginawa nang blood test, X-ray, ECG at iba pa. Pero naiwan ng pasyente sa kanyang doktor o nasa probinsya.
Sa ganitong pagkakataon, walang magagawa ang doktor kundi ulitin ang mga laboratory tests. Tandaan: Kapag nawala ang kopya ng iyong laboratory tests, para na rin naitapon ang libu-libong pera na ginastos. Kaya mag-xerox palagi ng kopya ng iyong lab tests. Kayo ang dapat humawak nito.
2. Pinag-aaralan ng mga doktor para magamot kayo – Hindi mo masabi at baka biglang kailangan mong magpa-check up sa ibang doktor. Minsan naman ay may emergency na nangyari. Malaking tulong ang iyong medical records para sa kaalaman ng doktor. Mas magiging tama ang kanyang gamutan sa iyo.
Sa paggawa ng medical folder, sikaping ilagay ang mga impormasyong ito sa folder:
1. Ilista ang lahat ng gamot na iniinom ng pasyente. Ano ang pangalan ng gamot at ilang beses ito iniinom? Isulat din kung may vitamins o supplements na iniinom.
2. Isaad kung ang pasyente ay may allergy sa gamot o sa pagkain. Halimbawa, baka may allergy siya sa Penicillin. Napakahalagang impormasyon ito para hindi magkamali ang doktor.
3. Mainam din na isulat ang sakit ng pasyente. Kung may diabetes, high blood at iba pang kondisyon.
4. Ilagay ang lahat ng laboratory results (blood test, ECG, X-ray at iba pa). May halaga pa ang mga lab tests na ginawa ng nakalipas na 1 o 2 taon.
5. Kung alam ang blood type, isulat din ito sa medical folder.
Huwag iwawala itong meÂdical folder. Napakahalaga nito para sa iyong kalusugan.
Good luck po.