NAPAKARAMING haka-haka, kuro-kuro, ispekulasyon, akusasyon at bintangan ukol sa naganap na “shootout†sa Atimonan, Quezon, kung saan 13 tao na nakasakay sa dalawang bagong SUV ang napatay ng mga elemento ng PNP at AFP dahil ayaw magpa-inspeksyon sa checkpoint. Ilan sa mga napatay ay mga pulis at sundalo na hinihinalang miyembro ng isang kilalang sindikato ng jueteng at gun-for-hire! Isang mataas na opisyal ng PNP ang napatay. Kaya ang tanong ngayon, bakit kasama ng grupo ang mga pulis at sundalo?
Magkakaroon daw ng imbestigasyon kung bakit nga kasama ni Supt. Alfredo Consemino, acting group director ng Regional Headquarters Support Group of Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ang grupo na ayon sa PNP ay mga elemento ng Siman group na sangkot sa iligal na jueteng at pagpatay. Ayon sa Palasyo, lehitimo ang naganap na barilan dahil sa ayaw magpainspeksyon ang mga sasakyan, at nauna pang namaril ang mga pulis. Ayon naman sa mga kamag-anak, rubout daw ang nangyari. May nawawala rin daw na malaking halagang pera na nakuha sa dalawang sasakyan. Ayon sa report, alitan ng dalawang magkatunggaling kriminal na grupo ang dahilan ng engkwentro.
Hindi na talaga mapagkakatiwalaan ang PNP bilang protektor at taga-patupad ng batas! Nakapagtataka ba na may kasamang pulis, kahit mataas pa ang ranggo, ng mga kilala o hinihinalang kriminal? Ano ang ginagawa ng isang direktor ng Mimaropa sa Quezon? Napakalayo naman yata ng opisina niya! May nagtanong ba kung bakit mga bagong sasakyan ang gamit nila? Sino ang may-ari ng mga sasakyan? At talaga bang may alitan sa pagitan ng dalawang sindikato, kaya naganap ang barilan? Napakaraming tanong, na malamang ay hindi na malalaman ng taumbayan ang katotohanan, dahil may pulis at sundalong sangkot! Kauumpisa pa lang ng taon, ganito na ang klase ng mga balita na natatanggap natin! Mga pulis na may mga kuwestyonableng aktibidad! Mukhang mahabang tiisan na naman ito!