Pagkamatay ni Nicole hamon kay Purisima

NAGKUKUMAHOG ang Philippine National Police upang muling maibangon ang bumahong kredibilidad sa pagkamatay ng 7 taong gulang na si Stephanie Nicole Ella. Malaking hamon ito sa kakayahan ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima na maisulong ang “tuwid na Daan” project ni President Noynoy Aquino kung hindi maibigay ang katarungang hinihingi ng pamilyang Ella at iba pang biktima ng stray bullet noong Bagong Taon. Sa katunayan kahit na liblib na ang lugar ay personal na nagtungo si Purisima sa tahanan ng mga Ella upang personal na maiparating ang pakikiramay at pangakong papanagutin  ang may kagagawan sa pagkamatay ni Nicole. Ngunit hindi lamang si Purisima ang dumating sa burol ni Nicole dahil maging si NCRPO chief Dir. Leonardo Espina ay pinangunahan na ang pagsaliksik sa lugar ng hinihinalang pinagmulan ng bala.

Napuno ang kapaligiran ng Barangay Tala ng mga matataas na opisyales ng kapulisan kaya naging mapayapa ang lugar. Sa unang bugso ng pag-uusap nina Espina at Marvin (tiyuhin ni Nicole) lumabas ang pagka-dismaya sa naging resulta ng imbestigasyon. Ayon kasi kay Marvin hindi siya kuntento sa unang nailabas na resulta ng matching test sa bala ng caliber .45 ng dating military man na si Juan Agus. Hanggang sa kasalukuyan hindi pa nailalabas ng PNP crime lab ang resulta sa ballistic test sa bala na nakuha sa pisngi ni Nicole, subalit ang resulta sa bala na sampol ng baril ni Agus ay nailabas na.

Tama naman ang hinala ni Marvin dahil bakit mauuna ang resulta sa matching test sa bala ni Agus at sa balang nakuha sa pisngi ni Nicole. Kahina-hinala ang pagproseso nito sa Camp Crame. Ngunit iyon ay pinahupa ni Espina at matigas nitong sinabi kay Marvin na makukulong si Agus kahit na hindi pa tapos ang imbestigasyon. Kasi nga sa kasong illegal discharge of firearms suwak na si Agus. At ang pagpapa­gamit nito sa mga hindi awtorisadong tao ng baril ay malaking kasalanan na sa batas. Malalagay din sa pagka-revoke ang lisensiya at permit to carry ni Agus habang inaalam pa ang legalidad nito sa Philippine Army.   Saman­tala matigas na ipinag-utos ni Purisima sa lahat ng mga pulis sa buong bansa na magbahay-bahay sa mga hinihinalang gun holder upang tuluyan nang mahadlangan ang pamamayagpag ng mga trigger happy sa lipunan.

Ngunit ang tanong ng taumbayan kay Purisima, marapat lang ba na kay Nicole na lamang ibigay ang lahat ng pagkilos ng mga pulis? Sa mahigit na 40 na biktima ng stray bullet ng bansa tanging si Nicole pa lamang ang nabibigyan ng financial assistance at pangako ng kataru-ngan. Abangan!

 

Show comments