Walang pinakamatuling takbo, kapag sariling buhay na ang hinahabol ng iba.
Ganito ang naranasan ni Jasmine “Jasmin” Sangguyo—34 anyos ng Candaba, Pampanga nang gawin niya ang isang bagay na habang-buhay nang nakatatak sa kanyang memorya.
“HINDI KO NA KAYA DITO. Susuka na tayo ng dugo kapag nagtagal pa tayo,” sabi ni Jasmin, nung gabing magkausap sila ng kasamahang si Angelie Daguoc—37 anyos tungkol sa kanilang trabaho.
Oktubre 31, 2011 dumating ng Kuwait si Jasmin upang magtrabaho bilang ‘domestic helper’, subalit tatlong araw pa bago siya ‘nabili’ ng kanyang magiging employer na si Yousef Fraih Al Khayhouti.
Tatlong mga bata umano ang aalagaan ni Jasmin bukod sa paglilinis, pagluluto at paglalaba.
Nabigla na lamang si Jasmin pagdating sa mansyon, walong mga anak pala ni Yousef ang kanyang pagsisilbihan.
Nilibot niya ng tingin ang buong bahay, namangha siya sa laki ng ‘swimming pool’ at mga sala sa bawat apat na palapag. Nung maisoli na ni Jasmin ang diwa, naisip-isip niyang ganito kalaki ang kanyang dapat linisan araw-araw.
Alas-6 ng umaga mula sa edad isa, lima, pito, sampu hanggang sa mga dalagitang anak na may edad labing anim, labing-pito at labing walo, inaasikaso ni Jasmin sa damit na isusuot at mga kakainin.
Pagkatapos nito, haharapin naman niya ang pagkukuskos ng mga dumi sa bawat sulok ng dalawang palapag ng bahay.
Hindi madali para kay Jasmin ang bigat ng bawat gawain subalit ang nakadadagdag daw sa hirap ay ang trato ng sampung taong gulang na alaga niya na si “Aliyah”(hindi tunay na pangalan).
Pinapakain niya noon sila ng almusal ngunit ayaw ni “Aliyah”. Gusto daw nitong magpa-plantsa ng buhok. Hindi pumayag si Jasmin, dahil magagalit ang kanilang ina kapag hindi inuna ang pagkain.
Bigla-bigla, binira ni Aliyah si Jasmin sa dibdib at pinagtatadyakan. Agad naman siyang tumakbo sa kwarto ng kanyang amo para humingi ng tulong. Pinaliwanag niya ang problema, sagot ng kanyang amo ay pakainin muna bago magpaayos ng buhok si Aliyah.
Pagbaba ni Jasmin, hindi niya alam na sinundan pala siya ni Aliyah. Nung maramdaman niyang may nakasunod sa kanya, pagharap niya ay pinaghahampas na siya nito ng tsinelas sa mukha.
Gigil siyang hinawakan ni Aliyah at kinagat siya sa braso. Hindi intensyon ni Jasmin ngunit paghaltak niya ng braso niya, nagdugo ito at napaupo si Aliyah.
Umiiyak na nagsumbong ito sa kanyang nanay na sinaktan siya ni Jasmin, kaya’t siya ang pinagalitan nito.
Madalas umanong ganito ang nangyayari kaya’t nung mapuno na siya’y naisipan niyang tuldukan na ito pagkatapos makuha ang sweldo.
Setyembre 26, inihanda na nila ni Angelie ang kanilang mga gamit.
Pinaandar ni Jasmin ang washing machine at iniwanan naman ni Angelie nang bukas ang vacuum cleaner sa itaas.
Buong bahay ay may harang na bakal maliban sa isang bintana sa pasilyo na ‘screen’ lamang ang tabing. Ginupit ito ni Jasmin at dito sila sumuot ni Angelie, sabay nagdamit ng “abaya” para hindi makilala.
Tumakbo ng hindi lumilingon ang dalawa hanggang sa makatyempo ng taxi na agad nilang sinakyan. Habang nasa biyahe, napuna ng driver na may pirming nakasunod sa kanilang kotse.
“Takpan niyo mukha niyo para walang prublema,” sabi ng driver.
Nung malapit na sa OWWA ay may tumunog na kotse ng pulis at sila’y pinababa. Hinanapan sila ng “civil I.D.” o “pataka”.
Sinabi ni Angelie na wala sa kanila at nasa kanilang amo. Sinakay ang dalawa at dinala sa isang lugar para hanapan ng papeles at passport.
Dinala sila sa istasyon ng pulis upang tignan ang record. Nakahinga ng maluwag ang dalawa nung makitang malinis naman ito kaya’t pinalaya din sila.
Dumeretso sila ng OWWA at pagdating doon, nung isalang sila sa ‘biometrics’, nakitang may nakasampang reklamo kay Jasmin na “Absconding” o pagtakas.
Sampung araw na na-‘detain’ si Jasmin doon at maswerteng nakatawag siya sa kanyang kapatid para sabihin ang nangyari.
Oktubre 3, inilapit sa aming tanggapan ng kapatid ni Jasmin na si Jean ang tungkol sa sitwasyon niya doon. Hiniling nilang matulungan silang mapauwi ang kapatid.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang nangyaring ito kay Jasmin.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hangad ng bawat Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa ang makatulong sa pamilya. Mayroong nagiging matagumpay ngunit sadyang mayroong nabibigo. Gustuhin man sana ni Jasmin na makapagpatuloy ng pagtatrabaho sa Kuwait, kung sariling kaligtasan na niya ang nakataya, mahirap na para sa kanya ang manatili doon. Hindi biro ang lagay niya sa napuntahang amo dahil sa pakikitungo ng kanyang mga alaga sa kanya. Iniisip din ni Jasmin ang kumplikasyon sakaling hindi siya makapagtimpi sa sitwasyon. Tinutukan namin ang pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs sa tulong ni Undersecretary Raphael Seguis upang matulungan si Jasmin. Nobyembre 22, 2012, mismong si Jasmin ang nagpunta sa aming tanggapan upang ibalita na siya’y nakauwi na.
“Abot-abot po ang pasasalamat ko sa inyong programa at sa DFA dahil binigyan ‘nyo po ng atensyon ang nangyari sa akin.” sabi Jasmin.
Sa kasalukuyan, inamin ni Jasmin na dahan-dahan pa niyang pinaghihilom ang mga sugat na dinulot ng kanyang naranasan sa Kuwait. Sa paggaling ng mga ito, may mga peklat na magpapa-alala sa kanya na mahal pa rin siya ng Panginoon at hindi siya pinabayaan sa oras ng kagipitan. (KINALAP NI PAULINE F. VENTURA)
ERRATUM:
Nais naming ipagpaumanhin ang pagkakamali sa baybay ng pangalan ni Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullion nung nakaraang Disyembre 28, 2012 dito sa aming pitak na may pamagat na “Sinimot mo nang lahat”.
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393. Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado. Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com