Palaban na simbahan?

MUKHANG nagdeklara ng giyera ang ilang pinuno ng mga grupong Katoliko sa Liberal Party. Ayon sa pinuno ng isang grupo, nangako sila na gagawin ang lahat para matalo ang mga kandidato ng LP sa darating na election, dahil sa pagsuporta ng nasabing partido sa RH Bill, na nilagdaan na ni President Aquino para maging isang tunay na batas.

Mukhang matindi ang galit ng grupong ito at idadaan na sa pulitika ang laban ng simbahan! Bakit daw nilagdaan nang patago ni Aquino, isang miyembro rin ng LP, ang RH Bill? Dahil ganung klaseng presidente raw siya, mapanlinlang at diktador

Hindi ko alam kung ganito rin ang opisyal na katayuan ng simbahang Katoliko, na nagbabanta sa LP na matatalo na sila sa darating na eleksyon sa pamamagitan ng tinatawag na “Catholic vote”. At sino naman kaya ang kanilang susuportahan na malinis ang rekord bilang pulitiko, na hindi naging babaero, na hindi kaalyado ni dating pangulong Arroyo na umaapaw sa anomalya at korapsyon? Hindi ba’t taliwas rin sa turo ng simbahan ang mga katangiang iyan? O tanggap na ang mga iyon?

At ano ngayon kung nilagdaan nang hindi na pina-media o isinapubliko? Hindi ba’t pasado na sa Senado at Kongreso ang RH Bill, na matindi naman ang exposure sa media at sa publiko? Hindi ba’t susunod naman talaga ang paglagda ni Aquino dahil pasado na nga sa dalawang Kamara? At malalaman at malalaman din naman ng publiko, di ba? Kung sa tingin nila ay sa Korte Suprema na ang sunod na hakbang para kontrahin ang RH Bill, eh di doon na lang dalhin ang laban. Huwag nang magbanta at kung ano pang “Catholic Vote” ang panakot dahil sa tingin ko ay walang natatakot. Demokrasya tayo, kaya lahat ay bumoboto ayon sa kanilang konsensiya, maliban na lamang kung nabenta ang boto. Hindi naman siguro sila bibili ng boto ang simbahan para matalo ang LP, di ba? 

Tama ang sinabi ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo, na kailangan nang umusad at tanging panahon na lamang ang magsasabi kung tama nga ang ginawang desisyon hinggil sa RH Bill. Kung may prosesong pwedeng gamitin sa Korte Suprema, yun ang gamitin. Tama na ang pamumulitka ng simbahang Katoliko, at lalo naman ang pagbabanta. Wala sa karakter ng simbahan, ng isang Kristiyano ang magbanta. Sinaunang kaugalian iyon. Mas marami pang mga isyu ang dapat tinatalakay at hinaharap ng simbahan na may kaugnayan sa mga mananampalataya. Mga bagay na hindi na tinatalakay ng gobyerno, kundi sa simbahan na lang mismo.

Show comments