Taon na lang sana ang maghiwalay, huwag daliri
ILANG oras na lang at maghihiwalay na naman ang taon.
Asahan natin ang mga umaatikabong putukan kalakip ang talaan ng sandamakmak na naputulan ng kamay, nasawi sa mga ligaw na bala at mga posibleng sunog dulot ng mga mapanganib na rebentador na malalathala sa mga pahayagan bukas. Hay..huwag naman sana at napakasamang kapalaran iyan sa pagpasok ng bagong taon.
Dapat ay magandang kapalaran ang dumating at hindi kamalasan. Tao kasi mismo ang gumagawa ng malas.
Nakakabahala ang balita ng wala pa mang bagong taon ay tumaas na ang bilang ng mga naputukan. Ito’y sa kabila ng walang puknat na paalala ng Department of Health sa madla na umiwas na ang taumbayan sa pagpapaputok.
Ayon sa report, habang isinusulat ang kolum kong ito, mahigit na sa 160 katao ang isinugod sa pagamutan dahil naputukan ng mga rebentador. Mayroon na ring naunang dalawang gusali sa Divisoria na natupok dahil sa mga naka-imbak na rebentador.
Palibhasa, ang pyrotechnic industry ay malawak sa ating bansa at kung iisipin, nakakaawa naman ang industriyang ito kung ganap na iba-ban ang mga paputok.
Hindi naman total ban ang hinihingi natin kundi i-regulate man lang ang mga rebentabor para huwag gumawa ng mga pampasabog na sobra ang lakas at halos katumbas na ng bomba.
Napansin ko na noong mga nakaraang taon, nang ipakita sa mga pahayagan at telebisyon ang mga dali-ring nagkawindang-windang dahil sa paputok marami ang natakot at kumonti ang bilang ng mga naputukan.
Dapat siguro’y ituloy ang ganyang kampanya taon taon upang tao na ang kusang umiwas sa mga malalakas na rebentador.
Sinasabing pangtaboy daw ng malas ang mga rebentador. Pero sa mga nangyayaring sakuna, ito nga ba’y nakakataboy o nakakaakit ng kamalasan.
Sana’y mag-isip-isip na ang mga kababa-yan nating mahilig magpaputok ng malalakas na rebentador.
- Latest