ANG buwan ng Disyembre ay malamig kaya ito’y inaabangan nating mga Pinoy dahil nagdudulot ng ginhawa sa katawan. Ngunit bakit maraming sunog ang nagaganap din sa buwang ito? Sa pagkaalam ko, maraming sunog ang nangyayari tuwing Marso dahil sa sobrang init ng panahon.
Pero ang buwan din ng Disyembre ay marami ring naitatalang sunog gayung malamig-lamig ang panahon. Bakit kaya?
Huwag na nating tanungin kung bakit dahil klaro ang dahilan. Marami ang nag-iimbak ng mga rebentador para sa nalalapit na bagong taon. Marami rin tayong kababayan na gumagamit ng mga sub-standard na Christmas lights.
Ilang taon na ang nakalilipas ay namatayan ng anak na babae si dating House Speaker Joe de Venecia dahil sa nagsiklab na christmas tree bunga ng sub-standard na Christmas lights. Iisipin mo bang mangyayari ang ganyang insidente sa tahanan ng isang taong tulad ni de Venecia na hindi naman marahil bibili basta-basta ng mga produktong walang kalidad?
Hindi na tayo natuto. Ilang araw na ang nakalilipas ay nasunog ang ilang gusali sa Tabora sa may Divisoria. Ang dahilan ay ang mga naka-imbak na rebentador doon.
Kahapon naman, dalawang halos magkasabay na sunog ang nangyari sa Quezon City at San Juan na ikinamatay ng walo katao: Pito sa QC at isa sa San. Juan. Kung kailan pa naman araw ng Pasko ay saka nangyayari ang ganitong malalagim na insidente.
Hindi na mabibilang ang mga malalagim na pangyayari tuwing Pasko at Bagong taon. May mga nabubulag, napuputulan ng kamay at namamatay dahil sa paputok at mga ligaw na bala. May mga sunog na nangyayari dahil sa mga walang kalidad na mga ilaw na ginagamit sa Christmas tree.
Kung naghihigpit lang marahil ang pamahalaan sa implementasyon ng batas, maaaring mabawasan ang mga insidenteng ito kundi man tuluyang matuldukan.
Hindi puwedeng ipaubaya sa tao ang pag-obserba ng safety precautions. Masyado tayong pasaway. Oo, lalahatin ko na. Pasaway tayo. Kung magpapatuloy tayo sa pagiging pasaway, hindi malayong tayo ay mag-pass away!