Editoryal - Sunog

KUNG nakikinig ang Bureau of Fire Protection (BFP) dapat baguhin na nila ang nakaugaliang Marso ang Fire Prevention month at gawin nang Disyembre. Paano’y sunud-sunod ang nangyaring sunog ngayong buwan na ito at naganap pa kung kailan Pasko. At wala namang ginagawang babala ang BFP sa mamamayan na mag-ingat sa sunog. Tila ba, nakaugalian na nilang mag-warning kung Marso at wala silang ginagawang paghahanda kung Disyembre.

Kung Disyembre nakasindi lahat ang Christmas lights, parol at iba pang dekorasyon. At sa buwan din na ito maraming nagpapaputok sapagkat malapit nang magpalit ang taon. Kung saan-saan inihahagis ang mga rebentador. Ang ibang mga bata ay gumagamit ng kandila para pangsindi sa paputok at saka iiwan na lamang sa mga nakatambak na papel o damo. Dito magsisimula ang sunog.

Noong Pasko, tatlong magkakasunod na sunog ang nangyari. Nagkaroon ng sunog sa Proj. 7, Quezon City­, San Juan at Parañaque City. Malagim ang nangyari sa Project 7, QC sapagkat pitong tao ang namatay. Naganap umano ang sunog dakong alas-dos ng madaling-araw. Natagpuan ang mga biktima sa comfort room. Hinihinalang nagtago sa CR ang mga biktima nang kumapal na ang usok.

Ayon sa mga bumbero, napabayaang Christmas lights ang dahilan ng sunog. Dahil manipis ang wire ng Christmas lights, nag-init at nasunog ito. Isa pang nakikitang dahilan ay faulty electrical wiring dahil luma na ang bahay na nasunog.

Ang sunog naman sa San Juan ay hinihinalang dahil sa naiwanang kandila na sinindihan ng mga bata. Ayon naman sa ibang bersiyon, may mga lasing­ na nagkagulo at sa kanila nagsimula ang sunog.

Sunud-sunod ang sunog kaya nararapat na magbigay ng paalala ang BFP para makaiwas ang mamamayan. Hindi lamang kung panahon ng summer nagliliyab ang kapaligiran kundi maski sa panahong ito na kabi-kabila ang nagseselebreyt. Marami ang nagsasaya at hindi na nila nabibigyan ng pansin ang pag-iingat. Ipaunawa ng mga awto­ridad sa mamamayan na mag-ingat sa sunog. Isaisip palagi na maraming mapipinsala sa sunog.

 

Show comments