HINDI dapat magpabigla-bigla si President Noynoy Aquino sa pag-aappoint ng bagong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor). Siya rin ang mapipintasan kapag nagpadalus-dalos sa pagpili. Paano’y sunud-sunod ang mga nangyaring kapalpakan sa National Bilibid Prisons (NBP) na nasa ilalim ng pamamahala ng BuCor. Dalawang BuCor chief na ang naitalaga ni Aquino at pawang sumablay. Sa halip na matulungan si Aquino ay naging pabigat pa ang mga ito. Binibigyan ng dalahin ang presidente.
Unang ini-appoint ni Aquino bilang BuCor director si Ernesto Diokno noong 2010. Pero nagkaroon ng kontrobersiya sa NBP makaraang mabuking na nakakalabas-masok dito si dating Batangas governor Antonio Leviste. Lumalabas sa NBP si Leviste at binibisita ang kanyang office building sa Makati. Nakapapamasyal din umano si Leviste sa iba pang lugar sa Maynila. Labas-masok ang sasakyan nito sa NBP.
Nagbitiw si Diokno at agad namang hinirang ni Aquino si Gaudencio Pangilinan bilang bagong BuCor chief. Pero talagang walang suwerte sa pagpili si Aquino sapagkat nabatbat na naman ng kontrobersiya ang hinirang niyang si Pangilinan. Lalong nalubog sa kontrobersiya at nabahiran ang dating maruming NBP. Namayagpag ang mga VIP (Very Important Preso) sa NBP.
Ang pinaka-matindi ay ang pagkakakidnap kay convicted murderer Rolito Go sa loob mismo ng NBP. Dinala si Go sa isang lugar sa Batangas at pinatubos umano ng mga kidnaper. Kasamang kinidnap ni Go ang pamangking nurse. Makaraang mabayaran ang ransom ay pinalaya na sina Go.
Nag-voluntary leave sa loob ng apat na buwan si Pangilinan. Noong nakaraang linggo tuluyan nang nagbitiw si Pangilinan. Ang pagbibitiw ay inihayag ni Justice secretary Leila de Lima. Bago ang pagbibitiw, marami pang nangyaring kapalpakan sa NBP --- may inmate na naghagis ng granada, may inmate na naitakas ng mga nagpanggap na abogado at balitang-balita ang drug trafficking umano sa NBP na sangkot ang mga prison guard.
Mag-ingat na sana ang presidente sa pag-aappoint ng BuCor chief. Pag-isipan at pag-aralan kung karapat-dapat ang pipiliin. Huwag magpadalus-dalos sapagkat lalong dumudumi ang nakakadi-ring NBP.