EDITORYAL - Jueteng na naman

MAYROON na namang isasagawang imbestigas­yon sa jueteng. At ang sabi sa report, wala na raw sasantuhin. Titiyakin daw na mananagot ang lahat­ nang sangkot sa illegal na sugal. Sa pagkakataon daw na ito, maraming masasagasaan na maaaring maging dahilan para madurog na ang jueteng.

Noon ay ganito rin ang narinig sa mga naka­puwesto sa pamahalaan. Magkakaroon daw ng imbestigasyon at mga inquiry. Magkakaroon daw ng mga pagbalasa sa mga police official na sangkot sa jueteng. Magkakaroon din daw ng imbestigasyon sa mga nakaupong mayor, vice mayor, governor, vice governor, etc. Magkakaroon ng mga bagong strategy para raw mamatay na ang jueteng. At kung anu-ano pa. Pero wala ring nangyari. Hindi nadurog ang jueteng at lalo pa ngang lumawak at dumami ang nakikinabang sa sugal na ito. Marami ang nagkamal ng pera sa illegal na sugal na ito. Marami nang nasira sa jueteng at isa rito ang administrasyon ni dating president Joseph Estrada noong 2000.

Ngayon nga may mga imbestigasyon na namang gagawin ukol sa jueteng. At sabi ni DILG secretary Mar Roxas, wala raw sasantuhin ang imbestigas­yon ngayon. Ang isasagawang imbestigasyon ay ka­ugnay sa expose ni Mayor Ricardo Orduna ng Bugallon, Pangasinan kay Pangasinan Governor Amado Espino na tumatanggap ito ng P10-milyon buwan-buwan mula sa jueteng. Itinanggi naman ni Espino ang paratang ni Orduna. Pulitika raw ang nasa likod ng expose ni Orduna. Noon pa raw ang isyung ito ukol sa jueteng.

Maglilimang buwan na sa puwesto si Roxas bilang­ DILG chief. At ngayon lamang tila nagkakaroon ng pagyanig sa kanyang tanggapan at jueteng na naman ang isyu. Sa panahon ng namayapang DILG secretary Jesse Robredo, jueteng din ang mainit na isyu kung saan ay maigting ang kanyang kampanya laban dito. Marami siyang nakabangga. Sa Naga City, mahigpit ang kanyang kampanya sa jueteng kaya hindi ito namayagpag doon. Nakamatayan ni Robredo ang paglaban sa jueteng at hanggang ngayon nga patuloy pa rin sa maraming lugar.

Seryoso si Roxas sa pagdurog sa jueteng. Wala raw sasantuhin. Pati ang bagong PNP chief na si Gen. Alan Purisima ay inatasan niya na sawatain ang jueteng. Sana totoo na ito. Sana, hindi pawang banta ang lumabas sa bibig ni Roxas.

Show comments