Editoryal - Baril ay nagkalat, kaya krimen, talamak

SABI ng Philippine National Police (PNP), bumaba ang crime rate sa Metro Manila. Ito ay dahil daw sa maigting na kampanya nila laban sa kriminalidad. Pero sa mga nangyayaring kaliwa’t kanan na krimen ngayon, tila mahirap paniwalaan ang sinasabi ng PNP. Pagpatay gamit ang baril ang nagaganap. Karaniwang riding-in-tandem ang mga suspect.

Noong isang araw, pinagbabaril ng riding-in-tandem ang owner ng motorcycle spareparts sa Payatas, Quezon City. Binubuksan ng 34-anyos na may-ari ang kanyang tindahan nang lapitan ng riding-in-tandem at pagbabarilin. Mga basyo ng bala mula sa kalibre 45 umano ang nakuha ng mga pulis sa crime scene.

Isang barangay chairman sa Tondo ang pinagbabaril din at napatay ng riding-in-tandem. Nakatayo lamang ang 46-anyos na chairman sa tapat ng isang tindahan nang lapitan ng dalawang lalaking nasa edad 50 at pinagbabaril. Namatay noon din ang chairman. Mabilis na tumakas ang mga killer. Kalibre 45 rin ang ginamit na baril.

Kamakailan lang, sinalakay ng mga sandatahang lalaki ang isang money changer sa Pasay City at nata-ngay ang malaking halaga ng pera. May nangyari ring panloloob sa isang pawnshop sa nasabing lungsod at malaking pera rin ang nakulimbat.

Pawang armado ang mga gumawa ng panloloob at maitatanong kung saan ba kinukuha ng mga criminal ang kanilang mga baril. Mistulang may armory sila na anumang oras kailanganin ang baril ay dadampot na lamang para maisagawa ang krimen. Sa kasalukuyan, paboritong holdapin ang mga convenient store at padalahan ng pera. Wala nang takot ang mga holdaper. Nalalaman marahil nila na walang kakayahan ang PNP na makapagpatrulya kaya malakas ang loob mangulimbat.

Ibinunyag naman ng PNP na mayroong 552, 380 baril na hindi pa nire-renew ng mga may-ari. Nananawagan ang PNP sa mga may-ari na mag-apply para sa new permit para hindi nila kumpiskahin ang mga ito. Magsasagawa umano ng pagbisita ang mga pulis sa mga bahay ng gunowners para ipaalala na mag-renew ng permit.

Hindi kaya ang mga baril na hindi pa nare-renew ang ginagamit sa krimen? Sa sinabing bilang ng PNP sa loose firearms, nakakapagbigay ng pangamba na baka nagagamit ang mga ito sa kasamaan.

Paigtingin ng PNP ang pagsamsam sa mga baril. Maglagay ng checkpoints para masabat ang mga ito. Gawing regular ang pagpapatrulya. Ngayong papalapit ang kapaskuhan, tiyak na sasalakay ang mga kawatan gamit ang mga baril.

Show comments