MUKHANG nasa mas mahirap na kalagayan ngayon ang industriya ng saging dahil sa problemang dulot ng bagyong Pablo na mahigit 14,000 hectares ang na-wipe out ng baha at napakalakas na hangin na humagupit sa Compostela Valley.
Maalala nating malaking dagok ang pag-ayaw ng China sa ating mga banana exports nitong unang bahagi ng taon. Pagkatapos umatake rin ang Panama Disease na ikinamatay ng pagkaraming banana plants.
Kaya isipin n’yo na lang ang tindi ng tama ng industriya ng saging dahil 14,000 hectares ng nasirang banana farms ito ay i-multiply ng four times at ang kalalabasan ay 56,000 na trabahante ng mga kompanyang ito ang mawawalan ng trabaho.
Dapat ding isipin na ang banana plant ay hindi kaya ang hangin na higit sa 30 kilometers per hour kaya kung patuloy na matatamaan ng bagyo ang Compostela Valley, may posibilidad na wala nang mabubuhay na saging sa nasabing probinsya.
At isa pa ay ang pagiging carrier ng floodwaters ng Panama disease. Kaya talagang mahirap nang makabangon ang industriya ng saging sa mga panahong ito.
Kinakailangan na talagang pumasok ng pamahalaan at tulungan ang naghingalong industriya ng saging.
Dapat tutukan ng Department of Agriculture ang rehabilitation ng mga nasirang banana farms.
Isa lang ito sa mga problemang dulot ng Pablo.
Kailangan nating magtulungan lahat upang mabigyan man lang ng assistance ang mga nasalanta.