TATLONG estudyante ng Far Eastern University (FEU) ang binaril sa labas ng unibersidad sa Morayta. Dalawa ang patay, ang isa ay nasa ospital. Hindi pa malaman ang dahilan kung bakit binaril ang tatlo. Lahat sila ay miyembro ng cheer drummers ng FEU. Hindi ito fraternity, kundi mga nagpapatugtog lang ng kanilang mga instrumento sa mga laro ng atleta ng kanilang kolehiyo. Sapat na ba ito para barilin sila nang walang kalaban-laban? May matinding alitan ba sa pagitan ng mga cheering squad ng iba’t ibang paaralan? Ganun na ba kababaw ang dahilan para pumatay?
Hindi ito ang unang insidente ng bayolenteng krimen sa FEU. Noong 2008, binaril si Mac Baracael, player ng FEU Tamaraws. Mabuti at nabuhay si Baracael. Kamakailan, isang estudyante ng UST ang pinagsasaksak ng anim na estudyante ng FEU sa loob mismo ng kanilang campus! Dahil dito, sinibak na ang hepe ng pulis sa lugar dahil sa pagkabigo na makapagbigay ng proteksyon sa lugar. Pero kahit na sino pa ang ilagay nilang hepe diyan, kung nasa opisina lamang at nakaupo at nag-uutos lamang, walang silbi.
Kailangan doblehin na ang CCTV sa lugar, dagdagan ang ilaw kung madilim, at maglagay ng pulis sa Morayta kung saan isang tawag lang ay puwedeng maharang ang mga suspect. Naglakad lang daw ang mga bumaril kaya puwede pang habulin kung may pulis.
Kung may kinalaman ang fraternity, kung mga miyembro sila ng fraternity o may kaalitan na fraternity, eh naku, ilang beses na akong sumisigaw na gawing iligal na ang lahat ng fraternity, kahit gaano pa “kalinis” ang kanilang mga tungkulin. Ibang-iba talaga ang pag-iisip kapag nagsama-sama na ang magkakaparehong pag-iisip ukol sa karahasan. Napakadaling mabuyo ang isang tao kapag marami na ang bumubuyo. Kahit mga mababait na tao ay nagbabago kapag miyembro na ng fraternity. Kung mapatunayan na fraternity na naman ang bunsod ng pagpatay, nasa FEU na ang solusyon, hindi sa mga pulis. Tularan nila ang ginawa ng San Beda College of Law kung saan sinibak ang mga suspek sa pagpatay dahil sa hazing.