WALA talaga tayong laban kapag si Inang Kalikasan ang nagsungit. Humagupit ang bagyong Pablo, at malaking danyos ang iniwan habang tumatawid sa Mindanao! Mahigit 100 buhay na ang nawala at libo pa ang lumikas para sa mga mas ligtas na lugar. Sa ngayon, mukhang sa Surigao del Sur at Davao Oriental masama ang tama. Pagbabaha, landslide, malakas na hangin kung saan mga bubong ng mga bahay ay nilipad, at walang kuryente ang buong lalawigan!
Kung sa atin ay matitinding bagyo, sa ibang bahagi naman ng mundo ay matinding tag-tuyot! Mahirap nang sabihin kung anong klaseng mga bagyo ang dadaan sa bansa, pero kung babasehan na lang natin sa mga nakaraang bagyo, halos malalakas na lahat, at sa hu-ling buwan pa ng taon pumapasok. Siguro masasabi na mas handa na ang tao ngayon, kaysa nang tumama ang Ondoy noong 2009.
Bukas, wala na ang bagyong Pablo sa Pilipinas. Ibang bansa naman ang peperwisyuhin, pero humina na dahil tumama na sa atin. Suwerte naman nila! Sana ito na ang huling bagyo sa 2012, para naman makapaghanda na ng maayos ang mamamayan sa kapaskuhan at pagtatapos ng isa pang taon, salamat sa Diyos! Huwag na nating bigyan ng pansin ang mga nagsasabing magugunaw na ang mundo sa Disyembre 21, kahit may mga ganyang klaseng bagyo pang biglang pumasok sa bansa! Ang mahalaga ay ang ating magandang diwa na bumangon mula sa trahedya, at kahit papano ay makapagsaya pa rin. Kilala tayo sa ganyang magandang katangian. Ganun nga siguro kapag sanay na sa mga bagyo at ano pang kalamidad. Huwag lang sana sunud-sunod!