Editoryal - Hulihin, ‘utak’ ng ‘investment scam’

HANGGANG ngayon hindi pa nahuhuli o lumu­lutang ang nagtatag ng Aman Futures na si Manuel Amalilio. Hindi rin malaman kung siya ay Malaysian o Pilipino. Kung Malaysian, paano siya nabigyan ng permiso na makapagtayo ng negosyo rito. Paano nabigyan ng lisensiya ang Aman na makapag-operate kung siya ay isang dayuhan. Dapat malaman sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang tunay na pagkatao ng negos-yanteng nanloko ng 15,000 investors.

Hanggang ngayon din, hindi pa makapaniwala ang mga nalokong investors ng Aman na wala na nga ang kanilang pera. Hindi nila mapaniwala ang sarili na ang perang matagal nilang inimpok ay nawalang parang bula. Ang masakit, dahil sa kabiguang mabawi ang pera mula sa retirement, mina­buting magpakamatay na lang. Yung iba, dahil sa matinding galit, kinidnap ang isang ahente ng Aman at pinatay. Ang iba ay nananatiling naghihintay at umaasa na maibabalik ang kanilang pinaghirapang pera. Nakaabang sila sa opisina ng NBI at patuloy na inaalam kung nasaan na ang “utak”ng Aman.

Sumuko naman sa NBI ang limang executives ng Aman. Natatakot umano sila sa maaaring mangyari sa kanila kaya sumuko. Gusto rin umano nilang ipabatid ang kanilang panig ukol sa “investment scam”. Sasabihin umano nila ang lahat. Ang lima ay sina Leilan Lim Gan, Eduard Lim, Wilaie Fuentes, Naezelle Rodriguez at Lurix Lopez. Si Fernando “Nonoy” Luna, umano’y dating janitor at drayber na manager ng Aman ay hindi pa nahuhuli.

Pero kahit sumuko na ang lima, hindi pa rin na­babawasan ang matinding pangamba ng investors ukol sa kanilang pera. Ang gusto nila ay madakip sina Amalilio at Luna sapagkat ang mga ito ang nagsimula nang lahat. Umasa sila sa pangakong malaking interest ng kanilang pera kaya nag-invest sila nang malaki. Hindi nila inaasahang lolokohin lamang pala sila. Karamihan sa mga investor ay teachers, sundalo, government officials, vendors, magsasaka, mangingisda at marami pang iba.

Kawawa naman ang investors na damang-dama ang kabiguan. Magpapasko pa naman. Saan sila pupulutin kung hindi maibabalik ang kanilang pera. Ang tulong ng gobyerno ang hinihintay ng investors. Umaasa silang gagawin ng pamahalaan ang lahat para madakip si Amalilio at pagbayarin ito sa ginawa.

 

Show comments