EDITORYAL - Marami pang nakalalaya sa malagim na masaker
USAD-PAGONG ang kaso ng Maguindanao massacre. Maraming nananawagan sa judge na humahawak sa kaso na madaliin ang paglilitis. Pero walang indikasyon na mapapabilis ang paglilitis nang tinaguriang “pinaka-karumal-dumal na pagpatay” sa buong mundo. Walang awang pinagbabaril ang 58 katao na kinabibilangan ng 30 mamamahayag. Pagkaraang pagbabarilin at ang iba ay pinagtataga pa, inilibing ito sa hukay. Ang backhoe na ginamit ay nasa crime scene pa.
Ang masakit, sa mahigit 100 tao na gumawa ng masaker, siyam pa lamang ang naaaresto at ang 91 ay nananatiling nakalalaya. Umano’y malalapit na kamag-anak ng mga itinuturong “utak” ng massacre. Nakapiit na ang Ampatuan family --- dating Maguindanao governor Andal Ampatuan, Sr., dating ARMM governor Zaldy Ampatuan at dating mayor ng Datu Unsay, Maguindano na si Andal Ampatuan Jr.. Maraming lumutang na witness at ang itinuturong “utak” ng massacre ay ang Ampatuan clan.
Noong Linggo, nadakip ng PNP ang driver ng backhoe na ginamit para ilibing ang mga bangkay ng 58 minasaker. Nahuli si Bong Andal makaraang paigtingin ng PNP ang paghahanap sa mga sangkot sa karumal-dumal na massacre. Si Andal ang humukay ng pinaglibingan ng mga minasaker. Ang backhoe ay may nakatatak pa umanong pangalan ni Gov. Andal Ampatuan Sr. Hindi na nagawang alisin ang backhoe sa lugar ng krimen sapagkat nabuking na ang pagpatay.
Tatlong taon na mula nang mangyari ang pinaka-karumal-dumal na krimen sa Pilipinas subalit nananatili pa ring walang hustisyang nakakamtan ang mga kaanak ng biktima. Napakabagal ng paglilitis. At lalo pang kumikirot ang kanilang sugat sapagkat napakarami pang hindi nahuhuli. Dagdag pa rin sa kirot na nararamdaman ng mga kaanak ay ang hindi pagpayag ng hukuman na isapubliko ang paglilitis. Bawal ang media coverage. Umano’y matatapakan naman ang karapatan ng mga akusado. Paano naman ang karapatan ng mga kaanak?
Bilisan sana ang trial para hindi naman mawalan ng pag-asa ang mga kaanak ng biktima. Gawin naman ng PNP ang lahat nang paraan para madakip ang 91 pang suspect. Lakihan ang reward para mahuli.
- Latest