HINAHAMON ng illegal loggers ang gobyerno ni President Noynoy Aquino. Sa kabila na nagpa-labas na ng logging ban si Aquino noong Pebrero 2011, walang natakot na illegal loggers at putol dito putol doon ang ginawa. Walang pagkabahag ng buntot na nakita sa illegal loggers at bagkus tumindi pa ang illegal logging. Ang mga pinutol na puno ay dinadala pa sa Maynila na nakalagay sa container vans. Ang mga itinumbang puno na karamihan ay mga primera klaseng kahoy ay ipinaaanod sa mga ilog at saka sasambutin sa dagat. Ganyan katindi ang illegal loggers na numero unong “salot” sa kalikasan. Marami nang kalbong bundok ang nawasak sapagkat wala nang mga punongkahoy na nagpapatibay sa lupa.
Inilabas ng Aquino government ang Executive Order No. 23 na nagbabawal sa pagputol ng mga punongkahoy sa mga kagubatan sa bansa. Nakasentro ang pagbabawal sa Mindanao kung saan talamak ang illegal logging. Kasabay ng paglalabas ng EO 23, itinatag naman ang Anti-Illegal Logging Task Force (AILTF) na binubuo ng mga sibilyan. Ang mga ito ang nagpapatrulya sa mga kagubatan para ganap na mabantayan ang mga “salot” sa pagputol ng mga puno.
Subalit wala ngang kinatatakutan ang mga “salot” na illegal loggers sapagkat pati mga miyembro ng AILTF ay kanilang itinutumba. Mula nang itatag ang AILTF, 25 miyembro na ang napapatay. Habang tumutupad ng tungkulin ang AILTF members, walang awa silang binabaril. Ang pagpatay sa mga civilian volunteers ay mariing kinondena. Inuubos ang volunteers at darating ang panahon na wala nang mangangahas na sumali sa grupong manga-ngalaga sa kagubatan. Nagbubuwis sila ng buhay para maprotektahan ang kalikasan pero tila wala namang ngipin ang gobyerno para sila maipagtanggol. Kulang sa bagsik ang Aquino administration para maputol ang pagkagahaman ng mga “salot”.
Nag-utos naman si Aquino sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na mag-take over sa AILTF at tugisin ang illegal loggers. Military operation na ang ipaiiral sa mga kagubatan particular sa Mindanao.
Bagong banta na naman sa illegal loggers? Sana, ito na ang kasagutan para malipol ang mga “salot” sa kagubatan.