DALAWANG bagay ang natutunan ng Pilipinas mula sa America nitong nakaraang dalawang linggo. Mainam kung tutularan ng gobyerno ang mga leksyon.
Una, mula sa Superstorm Sandy: Anim na araw bago tumama ang bagyo sa 21 states, nagbababala na ang media ng sakuna. Ito’y dahil accurate ang weather forecasts at storm tracking ng mga siyentipiko. Tiniyak ng meteorologists na Lunes, Oktubre 29 nang hapon tatama ang bagyo sa mga states sa Atlantic Coast, at kung gaano kalakas ang hangin, kalawak ang sakop, at kabigat ang dalang tubig-ulan. Dahil dito, nakapagplano nang wasto ang mga pinuno ng gobyerno, civic organizations, at negosyo. Naibiyahe ng mga bus, tren at airlines ang daan-daan libong tao paalis ng East Coast hanggang alas-9 ng umaga ng Oktubre 29; saka lang sila pinahinto ng mga opisyales. Sapilitang pinalisan ang mga nasa tabing-dagat at mabababang pook; kaya naman 106 lang ang nasawi, bagamat doble ang lakas, lawak, at bigat ng ulan ni Sandy kumpara kina Typhoons Ondoy at Sen-dong na libu-libong katao ang pinatay sa Pilipinas. Malinis, kumpleto at carpeted pa ang evacuation centers.
Ikalawa, mula sa presidential election: Nabilang ang resulta ng 120 milyong boto sa loob lamang ng pitong oras. Nag-concede agad ang natalong si Massachusetts Gov. Mitt Romney. Samantala, ang na-reelect na President Barack Obama ay agad nakipagpulong sa mga kongresista ng kalabang Republican party tungkol sa ilang panukalang batas. Hindi nagpepersonalan ang mga kandidato, taga-kampanya at botante, kaya walang patayan at sakitan — eskrimahan lang sa salita. Walang dayaan ng halalan, bilihan ng boto, o pananakot ng botante.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com