PARA sa nagkakaedad, totoong-totoo ang kasabihan na “walang second chance sa buhay.” Kaya’t habang kaya pa ng katawan, namnamin ang iba’t ibang karanasan (halaw mula sa Internet):
• Pasyalan ang mga lugar na matagal nang inaasam na marating.
• Kumain madalas ng mainam sa kalusugan. Pero miski hindi healthy ay tikman din, paunti-unti, paminsan-minsan. Huwag tikisin ang sarili.
• Lahat ng tao, mayaman o mahirap ay dadaan sa kapanganakan, pagtanda, sakit, at kamatayan. Walang lusot diyan. Kaya kung may sakit, huwag masyado mag-alala. Isaayos ang kalagayan, at iwasto ang lagay ng isip.
• Alagaan ang apat na pangunahing kayamanan. Una, ang iyong tumatandang katawan; tutukan ang kalusugan -- ikaw lang ang makakagawa niyan. Ikalawa, Ang pera na inipon sa banko para sa retirement ay tamasahin; gastahin sa sarili ang pinaghirapang ipon; bahala na ang mga anak mo magpundar para sa sarili, kaya huwag sila pagkaitan ng pagkakataon na ‘yon. Ikatlo, lubusin ang panahong magkasama kayo ng kabiyak, dahil mauuna mawala ang isa sa inyo. Ikaapat, makipagkita sa mga kaklase, kaibigan mula pagkabata, at mga dating ka-trabaho. Namnamin ang nakaraan at magpakasaya.
• Miski — at lalo na kung — nag-iisa, humalakhak nang malakas, gunitain ang pinaka-nakakatawang pangyayari sa sarili o eksena sa sine, pinaka-pilyong ginawa nu’ng bata pa.
• Magpatawad sa mga nanakit at nagkasala sa iyo, ipagdasal sila.
• Isipin na kung anu’t ano man ang mangyari, makakaahon ang mga iiwanan, at ikaw naman ay mapapasa-Diyos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com